Leni, mas nais maging Mayor sa Naga City
MANILA, Philippines — Pormal nang nagsumite kahapon ng kanyang kandidatura sa pagka-mayor ng Naga City sa Camarines Sur si dating Vice President Ma. Leonor “Leni” Robredo.
Dakong alas-10 ng umaga kasama si election lawyer Atty. Romeo Macalintal, dumating si Robredo sa Comelec-Naga City at pormal na naghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) para sa pagka-alkalde ng nasabing lungsod sa ilalim ng Liberal Party na tinanggap ni Comelec officer Atty. Maico Julia, Jr.
Kasama ng dating bise presidente na naghain ng COC ang ka-tandem na si Camarines Sur 3rd district Cong. Gabriel “Gabby” Bordado na patapos na rin ng kanyang huling termino, at target ngayon ang pagiging bise-alkalde sa Naga City.
Kasabay ng kanyang paghahain ng COC, nilinaw ni Robredo na hindi na siya tatakbong muli bilang Pangulo ng bansa sa 2028 national elections.
Sakaling manalo bilang mayor ng Naga City, hindi umano niya gagamitin ito bilang “jumpooff point” sa pagtakbo naman sa 2028.
“Tingin ko magiging unfair para sa city if gagamitin ko lang pagiging mayor bilang jumpoff point. Hindi ako magiging effective mayor kung ang iniisip ko lang ay ‘yung 2028,” pahayag ni Robredo.
Sa kabila ng mga panawagang tumakbo si Robredo sa mas mataas na posisyon sa gobyerno, pinili niyang ang pagka-mayor ng Naga City na matagal na hinawakan ng kanyang yumaong asawa na si dating DILG secretary Jessie R. Robredo upang pagsilbihan naman ang kanyang mga kababayan.
- Latest