‘Alice Guo, marami pang kakaharaping kaso!’
MANILA, Philippines — Sa sandaling maghain ng kanyang kandidatura para sa 2025 mid-term election, mas marami pang kakaharaping kaso si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping.
Ito ang babala kahapon ni Deputy Minority Leader Risa Hontiveros at sinabing maaaring makagawa ng “material misrepresentation” si Guo Hua Ping kapag naghain ng certificate of candi-
dacy (COC) at ideklara na isa siyang Pinoy na isang malaking kasinungalingan muli.
Binigyang diin ni Hontiveros na ang COC ay isang mahalagang dokumento na pinanunumpaan kaya kung magpipilit aniya si Guo Hua Ping sa kanyang kasinungalingan ay maaaring madagdag ang kasong perjury laban sa kanya.
Binuweltahan din ni Hontiveros si Guo dahil sa aniya ay wala pa ring tigil na panloloko nito sa taumbayan kahit na siya ay nasa loob na ng kulungan.
Hinikayat na ng ilang Senador ang Comelec na huwag payagan si Guo na makapaghain ng COC.
Sinabi ni Senador Win Gatchalian, dapat ipatupad agad ng Comelec ang kaukulang legal na paraan para madiskwalipika si Guo sa pagtakbo sa darating na halalan ay may basehan dahil sa sa pagsisinungaling na siya ay isang Filipino sa kanyang COC.
Ang reaksyon ng mga senador ay kasunod sa pahayag ni Atty. Stephen David na maghahain ng COC si Guo na kanyang kliyente sa susunod na linggo para tumakbong muli sa pagka-alklade ng Bamban, Tarlac.
- Latest