Cesar bumanat ng pilak sa YOG
MANILA, Philippines — Nasungkit ni Naomi Marjorie Cesar ang unang medalya ng Team Philippines sa 4th Youth Olympic Games na ginaganap sa Dakar, Senegal.
Inilagay ni Cesar ang Pilipinas sa medal tally matapos masiguro ang pilak sa women’s 800m event kahapon sa Complexe Iba Mar Diop Stadium.
“I worked so hard for this so I told myself I’m not going to come home in fourth place,” ani Cesar na gold medalist sa 2025 Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand.
Naitala ni Cesar ang impresibong dalawang minuto 9.34 segundo para matiyak ang podium finish at matuldukan ang pagkauhaw ng Team Philippines sa medalya sa naturang torneo.
Nanguna si Netsanet Selemon ng Ethiopia na may malayong 2:04.43 na naitala habang nagkasya naman sa tanso si Khadija Elmostaqim ng Morocco na may 2:10.05.
Maganda ang naging estratehiya ni Cesar na sumabay lamang sa daloy ng takbo bago umarangkada sa huling 100 metro ng karera para makuha ang pilak.
“I was kind of waiting to turn it on in the end and go and just tell myself that when I started, no one can catch me and I can catch whatever I set my sights on so I trusted in myself,” ani Cesar.
Ngayong may medalya na ito sa SEA Games at Youth Olympic Games, sunod na tatargetin ni Cesar ang makapasok sa 2028 LA Olympics na idaraos sa California.
Pinuri naman ni Philippine Olympic Committee president Abraham Tolentino ang matikas na ipinamalas ni Cesar.
“Congratulations Naomi, ‘mabuhay ka! We are proud of you for bringing home the silver,” ani Tolentino.
- Latest

















