Puting pader sa tabing-ilog: Solusyon o palabas lang?
Tila nagiging tradisyon na ang mabilisang pagpapaganda sa mga daraanan ng mga bisita sa tuwing may malalaking pandaigdigang pagtitipon sa bansa.
Ngayong idinaraos ang ika-49 na ASEAN Summit sa Maynila, muling bumungad sa publiko ang mga naglalakihang puting plywood na nakahanay sa kahabaan ng Tambo Bridge sa Parañaque City.
Ang layunin ng mga pansamantalang harang na ito ay malinaw na ikubli ang tambak ng basura at ang maruming kalagayan ng Ilog Parañaque mula sa paningin ng mga daraang delegado.
Natural lamang na nais nating magpakita ng magandang mukha sa ating mga bisita mula sa ibang bansa. Bahagi ng kultura nating mga Pilipino ang pagiging magiliw at maasikaso sa panauhin. Kapag may darating na bisita sa bahay, agad tayong nagwawalis at nag-aayos ng sala.
Subalit, ibang usapan na kung ang kalat ay itinatago lamang sa ilalim ng alpombra upang magmukhang malinis ang paligid. Ang paglalagay ng mga plywood sa tabi ng ilog ay isang klasikong halimbawa ng “band-aid solution” o panakip-butas.
Masakit isipin na nagagawang gumastos ng malaking halaga para sa pansamantalang pagtatakip, ngunit tila hirap na hirap tayong magpatupad ng pangmatagalang solusyon sa paglilinis ng ating mga daluyan ng tubig.
Ang tunay na dangal ng isang bansa ay hindi nasusukat sa kinis ng pintura o sa taas ng bakod na itinatayo upang ikubli ang kahirapan. Masusukat ito sa kung paano tinatrato at inaangat ng gobyerno ang sarili nitong mamamayan kahit walang nakatinging bisita. Hangga’t mas pinipili nating takpan ang sugat kaysa gamutin ito,mananatiling walang katuturan ang anumang kaunlarang ipinapakita natin sa mundo.
Sa pagtatapos ng ASEAN Summit, tiyak na babaklasin din ang mga puting plywood na ito. At kapag bumagsak na ang tabing, muling tatambad ang tunay na mukha ng ilog na muling nagpaalala na ang problema ng bayan ay hindi kailanman kayang itago ng kahit anong kapal ng kahoy o pintura.
- Latest















