Eya alanganin sa SEAG?
MANILA, Philippines — Wala pang kasiguruhan kung makakalaro ang tigasing spiker na si Eya Laure sa Alas Pilipinas women’s team na lalaro sa 2025 Southeast Asian (SEA) Games sa Disyembre sa Thailand.
Sapagkat hindi makumpirma ni team head coach Jorge Souza De Brito kung makakasama sa komposisyon ng national team si Laure na hindi nakakapaglaro sa 8th Premier Volleyball League (PVL) 2024-25 All-Filipino Conference para sa Chery Tiggo.
Nais nang umpisahan ni De Brito ang training pero maaari lang magsama-sama ang mga players pagkatapos ng PVL.
Ipapatawag ni De Brito ang mga miyembro ng national women’s volley team ng Philippine National volleyball Federation upang ihanda nito sa panibagong kampanya sa biennial meet SEA Games kung saan inaasam na tuluyang makakuha ng medalya.
“We resume training right after the PVL. There is a short break for them and then we start,” ani De Brito.
Samantala, isa si Laure sa kinapitan ng Philippines sa bronze medal finish sa 2024 AVC Challenge Cup na ginanap dito sa bansa noong Mayo.
Kasalukuyan naman na naglalaro ang team captain ng koponan na si Jia Morado-De Guzman sa Japan V.League habang pahinga ang ibang miyembro bunga ng pagbabakasyon ng PVL at magbabalik pa sa Enero 18, 2025.
- Latest