Creamline babawi sa PVL AFC
MANILA, Philippines — Matapos malasin sa nakaraang 2026 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference ay kumpiyansa ang Creamline sa kanilang pagdedepensa sa suot na All-Filipino Conference crown.
Bilang preparasyon ay nagsanay ang Cool Smashers ni coach Sherwin Meneses sa Japan.
Naniniwala si team captain Alyssa Valdez na maipapakita ng Creamline ang kanilang natutuhan sa training camp sa Japan.
Sisimulan ng Cool Smashers ang kanilang title defense laban sa Akari Chargers sa paghataw ng All-Filipino Conference bukas sa SM Seaside Cebu Arena.
Bigong makapasok sa Invitational Conference Finals ang Creamline matapos matalo sa guest team EST Cola ng Thailand at PLDT sa crossover semis.
Ito ay sa kabila na rin ng paglalaro ni Jaja Santiago-Minowa sa 11-time PVL champions.
“Iyon ‘yung mga things na kailangan pa rin namin siguro at this point in our career para mas marami pa kaming matutunan kasi doon lang naman matututo,” sabi ng 33-anyos na si Valdez.
Bukod kay Valdez, muling ipaparada ng Cool Smashers sina Jema Galanza, Tots Carlos, Pangs, Panaga, Bea de Leon, Michele Gumabao at ang mga nagbabalik na sina Alas Pilipinas members Jia de Guzman at Bernadeth Pons.
- Latest



















