Tres Queridas (22)
LUMABAS sina Diana at Celeste mula sa pinto ng morgue habang dahan-dahang lumilitaw ang paitaas na liwanag ng bukang-liwayway. Lumalamig ang simoy ng hangin. Parehas hindi alam ng dalawang misis kung matutuwa ba sila na hindi si Carlo ang bangkay o maiinis sila na hindi pa ito ang pagsasara ng kuwentong pagtataksil nito sa kanila.
“Gusto mong magkape tayo?” alok ni Diana habang itinuturo ang maliit na 24-hour gas station sa tapat ng ospital.
Hindi sanay si Celeste sa mga mumurahing 3-in-1 coffee mula sa vendo machine, ngunit sa rami ng mga nangyayari, wala siyang reklamo. Ang gusto lang niya ngayon ay mainitan ang kanyang sikmura. Naupo silang dalawa sa hood ng lumang sedan na pinagsasalitan nilang imaneho simula pa kaninang umaga. Habang naupo at parehong hawak ang maiinit na baso, pinagmamasdan nila ang tahimik na kalsada. Habang nakatulala, parehas silang ngayon lang nakaramdam ng kaunting kapayapaan.
“Sigurado ka bang hindi ka muna uuwi kay Mateo?” mahinang tanong ni Celeste bago uminom ng kape.
“Kaya naman siyang alagaan ng kapatid ko,” sagot ni Diana. “At hindi ako makakauwi nang may ganitong karaming tanong sa isip ko.”
“Sabagay…” Tumango si Celeste.
“Ikaw? Alam ba ng buong pamilya mo ang tungkol sa pagkatao ni Carlo?” Tanong ni Diana dahil noong isang gabi, na-search niya sa internet na bigatin at hindi basta-basta ang pamilya ni Celeste. May malaki silang shipping company at iba pang malalaking negosyo.
Isang pait na ngiti ang lumabas sa mga labi ni Celeste. “Wala silang kaalam-alam. Hahayaan ko muna silang mag-isip na nagluluksa ako. Mas madaling kumilos nang walang nakatitig.”
Nabalot sila ng isang pambihirang katahimikan. Wala nang selos, wala nang kumpetisyon. Mula sa dalawang magkaibang mundong binuhol ng iisang lalaki, nakatayo na sila ngayon bilang dalawang taong may iisang misyon.
“Kung hindi si Carlo ang namatay sa ferry...” bulong ni Diana habang pinagmamasdan ang usok mula sa kanyang kape, “...ibig sabihin, may taong isinakripisyo para lang magkaroon siya ng bagong pagkakakilanlan.”
“At gagamitin natin ang bawat natitirang araw para mahanap si Carlo,” dugtong ni Celeste. Pinalipas nila ang madaling-araw sa gilid ng highway. Sa unang pagkakataon matapos ang ilang araw na paghahanap sa katotohanan, dahan-dahang napayapa ang kanilang mga isip, handa na para sa susunod na hakbang sa imbestigasyon.
(Itutuloy)
- Latest
















