EDITORYAL - Nakaalis na ang iimbestigahan
Nasa labas na ng bansa si dating House Speaker Lord Allan Velasco habang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga alegasyon ng dati niyang security aide na si Rodulfo Gracioso Jr. Ayon kay Gracioso, nagdeliber siya ng male-maletang pera kay Vice President Sara Duterte at miyembro ng pamilya nito sa utos ni Velasco.
Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na umalis si Velasco noong Agosto 30 at walang hold-departure order (HDO) o ibang legal restriction na makapipigil sa kanyang lumabas ng bansa.
Nauna ang pag-alis ni Velasco bago naging publiko ang mga alegasyon. Itinanggi rin ng kanyang kampo ang mga paratang at tinawag itong fabricated, habang patuloy pa lamang ang beripikasyon ng NBI.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, kailangan nang may kaso sa korte bago magkaroon ng regular hold-departure order. May precautionary hold-departure order (PHDO) naman na maaaring hingin habang nasa preliminary investigation pa lamang ang reklamo.
Ganunman, kailangang makakita ang hukom ng probable cause at mataas na posibilidad na aalis ang respondent upang umiwas sa pag-aresto o prosecution.
Nilinaw din ng Supreme Court na limitado ang PHDO sa partikular na mga kaso at hindi maaaring basta gamitin upang pigilan ang constitutional right to travel.
Dito kailangang magsabay ang dalawang mahalagang prinsipyo: due process at accountability.
Hindi dapat madaling pagbawalan ang isang taong bumiyahe dahil lamang may alegasyon laban sa kanya. Ngunit kapag seryoso ang reklamong iniimbestigahan, mahalaga ring maging mabilis ang pagkuha ng ebidensiya, preliminary investigation at paggamit ng mga legal na mekanismong mayroon na kung natutugunan ang kanilang requirements.
Ilang beses pa bang uulitin na nasa eroplano na ang inaakusahan bago pa makakilos ang mga awtoridad. Kung seryoso ang reklamo, bakit parang walang nagmamadali?
Hindi kalaban ng due process ang bilis. Ang bagal ang pumapatay sa accountability. Kapag lagi na lang huli ang imbestigasyon, hindi lang ang inaakusahan ang nakalalayo kundi pati ang katarungan.
Mas makabuluhang tanungin kung sapat ba ang bilis ng ating justice system upang maprotektahan ang karapatan ng inaakusahan nang hindi nawawala ang pagkakataong papanagutin ang sinumang mapatutunayang may kaso.
- Latest
















