EDITORYAL - Maharlika, umatras sa P19.7-B investment
TULUYAN nang umatras ang Maharlika Investment Corporation (MIC) sa planong P19.7 billion investment sa Synergy Grid and Development Philippines. Ito sana ang magbibigay sa gobyerno ng board representation at mas malaking presensiya sa kompanyang may kontrol sa National Grid Corporation of the Philippines. Halos dalawang taon ding pinag-usapan ang deal na hindi pala matutuloy.
Para sa hindi pamilyar dito, ang Maharlika Investment Fund ay pondong inilaan ng gobyerno para mamuhunan sa mga negosyo at proyekto na inaasahang kikita at makatutulong sa ekonomiya. Nang likhain ito noong 2023, ipinangakong makatutulong ito sa infrastructure development, pagpasok ng investments at paglikha ng trabaho.
Hindi naman ibig sabihin na mali agad ang pag-atras sa deal. Kung nakita ng MIC na hindi na ito magandang investment o hindi na pasok sa layunin ng Maharlika, mas mabuting huwag ipilit ang paggamit ng pera ng bayan.
Pero nagbubukas ito ng mas malaking tanong: ano na ba talaga ang konkretong ambag ng Maharlika matapos ang mahigit tatlong taon?
Pagsapit ng Hunyo 2026, P24.7 bilyon pa lamang ang cumulative deployed capital nito mula sa unang P75 bilyong inilagak ng Landbank at DBP. May P53 bilyon pa itong cash and cash equivalents. Sa P24.7 bilyong na-deploy, P15 bilyon ay short-term working capital loan sa Petron.
Kumikita naman ang Maharlika. Nag-ulat ito ng P1.24 billion net income sa unang kalahati ng taon. Pero malaking bahagi ng income ay mula sa interest ng cash at short-term placements, habang karamihan ng kapital ay nananatiling hindi pa nailalagay sa malalaking development projects.
Dito mahalagang ibalik ang orihinal na pangako. Hindi ginawa ang Maharlika para maging ordinaryong deposito lamang ng pera ng gobyerno. Iniharap ito bilang paraan upang mapabilis ang infrastructure development, makahikayat ng investment at makalikha ng trabaho.
Kaya hindi sapat na itanong kung kumikita ba ang pondo. Dapat ding malaman kung anong proyekto ang hindi sana matutuloy kung wala ang Maharlika, gaano karaming private capital ang nahikayat nito, at anong konkretong benepisyo ang naramdaman ng publiko. Tandaan na ang sovereign wealth fund ay hindi dapat sukatin sa laki ng kinita. Ang tunay na sukatan ay kung may nagawang mahalaga ang pera ng bayan sa ikauunlad ng mamamayan.
- Latest















