Muntik na akong mawalan ng apdo
Siyam na taon na ang nakararaan, muntik na akong mawalan ng gallbladder o apdo matapos sumailalim ako sa ultrasound ng buong tiyan. May nakitang kakaiba sa aking gallbladder na hindi matiyak ng isang internist kung bato o ibang uri ng abnormalidad. Ipinayo niyang kumonsulta ako sa isang surgeon. Ang rekomendasyon naman ng surgeon ay tanggalin ang gallbladder upang malaman kung ano talaga ang nakitang bagay dito.
Ang gallbladder ay isang maliit na supot sa ilalim ng atay na nag-iimbak ng bile o apdo. Ang likidong ito ay tumutulong sa pagtunaw ng taba mula sa pagkain. Mabubuhay naman ang tao kahit wala nang gallbladder. Patuloy pa ring gagawa ng apdo ang atay at direktang dadaloy ito sa bituka. Gayunman, hindi nangangahulugang wala nang epekto sa katawan ang pagtanggal nito.
Ang nakapagtataka, hindi naman sumasakit ang tiyan ko nang magpa-ultrasound ako. Bahagi lamang iyon ng aking regular na pagpapatingin sa doktor. Napaisip ako kung bakit kailangan akong operahan gayong wala naman akong nararamdamang sintomas.
Totoo namang may mga sakit na maaaring namumuo sa loob ng katawan nang hindi agad nagpapakita ng sintomas. Ganoon din ang gallstones o mga bato sa apdo. Hindi lahat ng may gallstones ay nakararanas agad ng pananakit. Ngunit kapag bumara ang mga ito sa mga daluyan ng apdo, maaari itong magdulot ng matinding pananakit at iba pang komplikasyon.
Naalala ko ang kahalagahan ng second opinion. Nagpatingin ako sa isang gastroenterologist na espesyalista sa tiyan. Ipinagpa-ultrasound niya akong muli, na nakatutok lamang sa gallbladder. Pinayuhan din akong umiwas muna sa mga pagkaing mamantika bago ang pagsusuri.
Nang lumabas ang resulta, sinabi niya na cholesterol lamang ang nakikita at hindi mga bato sa apdo. Hindi niya nakitang kailangan akong operahan o tanggalin ang aking gallbladder.
Dito ko higit na naunawaan ang halaga ng second opinion. Hindi naman nangangahulugang mali agad ang unang doktor kapag nagpasuri tayo sa ibang manggagamot. Maaaring may pagkakaiba sa interpretasyon ng resulta at sa rekomendasyon ng bawat espesyalista.
Lalo itong mahalaga kung operasyon ang ipinapayo at malaki ang magiging gastos at epekto nito sa pasyente. Hindi masamang humingi muna ng paliwanag, magtanong at kumonsulta sa ibang espesyalista bago magdesisyon.
Nakakagulat malaman na mabubuhay pa rin tayo nang maayos kahit walang gallbladder bagaman may kailangang baguhin sa istilo ng pamumuhay. Pero sa karanasan ko, hindi masamang humingi ng second opinion. Kung minsan, maaari nitong iligtas tayo hindi lamang sa malaking gastusin kundi maging sa isang operasyong hindi naman pala kailangan.
* * * * *
Email-[email protected]
- Latest

















