Employer na hindi nagbibigay ng bonus
Dear Attorney,
Kahit kailan po ay hindi nagbibigay ng bonus ang kompanya namin. Maari bang magreklamo kaming mga empleyado? – Karen
Dear Karen,
Ang pagbibigay ng bonus ay kabilang sa tinatawag na management prerogative, o ‘yung mga aspeto ng pamamalakad kung saan pinapayagan ng batas na malayang makapagpasya ang employer para sa ikabubuti ng kanyang negosyo.
Dahil management prerogative ito, malayang makakapagpasya ang employer kung makakatanggap ba ng bonus ang mga empleyado, maliban na lang sa tatlong pagkakataon. Una, kung ang pagbibigay nito ay bahagi ng isang kasunduan sa pagitan ng kompanya at ng mga empleyado tulad ng employment contract o collective bargaining agreement. Pangalawa, kung matagal nang practice o nakaugalian na ng kompanya ang pagbibigay nito. At pangatlo, kung ang bonus ay maituturing nang bahagi ng sahod ng empleyado.
Kung wala namang angkop sa mga nabanggit sa inyong sitwasyon, malabong may habol kayo laban sa inyong employer. Sa ganyang pagkakataon, masasabing ang pagbibigay ng bonus ay naka-depende na sa kagandahang-loob lamang ng kompanya at hindi isang bagay na maari silang obligahin.
Kailangan ko lang ding linawin na ang bonus ay iba sa 13th month pay na itinakda ng batas. Kung ang tinutukoy mo palang hindi ibinibigay ng inyong employer ay ang inyong 13th month pay, maari kayong magreklamo dahil obligasyon nilang ibigay iyan sa inyo nang hindi lalampas sa ika-24 ng Disyembre.
- Latest
















