Imago (56)
Ang pinto patungo sa hagdanan ay bahagyang nakabukas, sapat lamang upang makalusot ang balingkinitan na katawan ni Maya. Pagpasok niya, isinaradong muli ng malamig na hangin ang pinto nang walang anumang ingay. Pagkalapat ng pinto, agad siyang nilamon ng ganap na kadiliman.
Dito, ang amoy ng mamasa-masang lupa ay mas matindi.
Hawak ang pipe wrench sa kaniyang kanang kamay at nakakulong ang kumpol ng susi sa kaniyang kaliwang palad, sinimulan ni Maya ang pagbaba sa Sub-Level 2. Ang bawat hakbang sa basang semento ay ginagawa niya nang may labis na pag-iingat. Ang kanyang mga daliri sa kaliwang paa ay unang humihipo sa gilid ng bawat baitang bago niya itinatapak ang kabuuan ng kanyang timbang.
Nasa kalahatian na siya ng pagbaba nang biglang umalingawngaw ang isang malakas na sigaw mula sa itaas ng pasilyo.
“Ang mga susi!”
Narinig ni Maya ang marahas na pagbaliktad ng mga bagay sa sahig sa itaas. Napagtanto na ng lalaki na wala sa kaniyang bulsa ang mga susi. Kasunod nito ay ang mabilis at mabibigat na yabag na nagtatakbo pabalik sa monitoring room upang maghanap.
Bumilis ang tibok ng puso ni Maya. Wala na siyang oras.
Inabandona niya ang sobrang pag-iingat at binilisan ang kanyang pagbaba sa natitirang mga baitang. Ang kaniyang mga sapatos ay gumagawa na ng mahihinang kaluskos sa basang lapag. Sa dulo ng hagdanan, tumama ang kanyang kamay sa panibagong pader, at sa kaniyang kaliwa, nakakapa niya ang bakal na frame ng isang pintuan.
(Itutuloy)
- Latest















