EDITORYAL - Dami pa ring naliligo sa tubig baha
Malaki ang epekto ng Bagyong Kiyapo sa maraming lugar sa bansa. Maraming binaha. Kahit nakalabas na ng bansa ang bagyo patuloy pa rin ang mga pag-ulan na nararanasan.
Kamakalawa at kahapon, maraming lugar sa Metro Manila ang binaha. Naging malaking swimming pool na naman ang maraming kalsada, underpass, at siyempre ang mga estero na maraming basura. Nang humupa ang baha, natambad ang mga plastic na basura. Ang mga basurang ito ang dahilan ng pagbaha. Bumabara sa mga imburnal.
Marumi ang baha sapagkat nakahalo rito ang dumi at ihi ng iba’t ibang hayop at maski tao. Pero hindi na ito gaanong binibigyang pansin ng mga tao lalo na ang mga papasok sa trabaho para maghanapbuhay. Kailangang lumusong sa baha para kumita at may maitustos sa pangangailangan ng pamilya. Kahit hanggang baywang ang tubig, lulusong para makarating sa pinagtatrabahuhan.
Ang ganitong aksiyon ay maliwanag na may dahilan kaya lumusong sa baha. Pero ang lumusong para mag-swimming, maglaro o kaya’y para magyabang lang, mahigpit na itong ipinagbabawal. Bawal nang lumusong sa baha particular ang mga bata para mag-swimming o kaya’y maglaro, ganundin naman ang iba pang indibidwal.
Noong 2024, inilabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Regulation 24-003 na nagbabawal sa mga bata at matatanda na mag-swimming, maglaro at iba pang aktibidad sa baha na ang layunin ay maglibang. Hindi kasama sa regulasyon ang mga lumusong sa baha para maghanapbuhay o ang mga may kinalaman sa pag-rescue ng mga naiipit sa baha.
Ayon sa MMDA, papatawan ng P2,000 na multa ang mga magulang ng batang magsu-swimming sa baha. Ito ay para malaman ng mga magulang na lubhang delikado ang pagligo sa baha sapagkat nakukuha rito ang mga sakit, partikular ang leptospirosis.
Nang bumaha noong 2024 dahil sa Bagyong Carina, maraming tinamaan ng leptospirosis. Maraming na-confine sa National Kidney Institute Hospital at San Lazaro Hospital. Kinailangang gamitin ang gym para matanggap ang mga may lepto. Kinulang ng mga doktor dahil sa pagdagsa ng mga pasyente.
Ipatupad ng MMDA at LGUs ang pagbabawal sa paliligo sa baha. Hindi dapat maging ningas kugon. Huwag hintayin na maraming mapahamak sa leptospirosis lalo ang mga bata. Ipatupad ang kautusan na bawal maligo o maglunoy sa baha ang sinuman. Umiwas sa nakamamatay na leptospirosis.
- Latest















