^

Punto Mo

Illegal r­ecruitment n­agpapatuloy pa rin

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Nakakalungkot na hanggang ngayon ay marami pa ring Pilipino ang nabibiktima ng illegal recruitment at human trafficking. Sa kabila ng walang tigil na babala ng pamahalaan, may mga nalilinlang pa rin at nawawalan ng mala­king halaga ng pera, oras at pag-asa.

Bakit? Dahil sa kahirapan at kakulangan ng disenteng trabaho, marami ang nanga­ngarap na makapagtrabaho sa ibang bansa. Handa silang mangutang o magsanla ng ari-arian para lamang makaalis ng Pilipinas. Ito ang sinasamantala ng mga illegal recruiter.

Marami namang Pilipino ang ligtas na nakapagtrabaho sa ibayong-dagat sa pamamagitan ng legal na proseso. Ngunit mahaba pa rin ang listahan ng mga nabibiktima ng mga recruiter na walang lisensiya, gumagamit ng pekeng job order o nagpapanggap na konektado sa mga lehitimong recruitment agency.

Halos buwan-buwan ay may mga balitang tungkol sa mga inaarestong recruiter, ipinapasarang recruitment agency at mga Pilipinong naloloko ng mga sindikato. Ang iba ay nalalamang biktima sila matapos makapagbayad ng malaking halaga. Ang iba naman ay nakarating na sa ibang bansa bago nadiskubreng iba pala ang trabahong naghihintay sa kanila o wala palang employer na sasalubong.

Mas nakaaalarma ang mga nagiging biktima ng human trafficking. Sa halip na lehitimong trabaho, napapasok sila sa mapanganib na kalagayan o sa mga gawaing labag sa batas. Nitong mga nakaraang taon, ilang Pilipino rin ang nailigtas mula sa mga scam hub sa ibang bansa matapos silang lokohing may naghihintay na disenteng trabaho.

Hindi naman nagkukulang ang Department of Migrant Workers at iba pang ahensiya sa pagpapaalala na tiyaking lisensiyado ang recruitment agency at huwag basta magtiwala sa mga alok na nakikita lamang sa social media. Gayunman, marami pa ring nabibiktima.

Marahil ay dahil mas matindi ang pangangailangan kaysa pag-iingat. Kapag matagal nang walang trabaho ang isang tao at may nangangakong mabilis na pag-alis at mataas na suweldo, madaling manaig ang pag-asa kaysa pagdududa. Lalo pa kung ang nagre-recruit ay kamag-anak, kaibigan o kakilala.

Posible ring dahil sa matinding hangaring makalabas ng bansa, hindi na nagagawa ng mga biktima o aplikante na magsaliksik o makibalita tungkol sa mga naunang kaso ng illegal recruitment at human trafficking. Kung naglaan lamang sila ng kaunting oras upang magsuri, maaaring may mga babalang agad nilang nakita at naisipang umatras.

Hindi naman mahirap makakuha ng impormasyon sa panahon ngayon. Halos araw-araw ay may mga balitang lumalabas sa pahayagan, telebisyon, radyo, internet at social media tungkol sa mga inaarestong illegal recruiter at mga Pilipinong naloloko ng mga sindikato. Maging ang mga lumang kaso ay madali pa ring matagpuan sa pamamagitan ng mga search engine, website ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga media organization.

Sa madaling salita, hindi na kakulangan ng impormasyon ang pangunahing problema. Ang mas malaking hamon ay kung naglalaan ba ng sapat na panahon ang mga aplikante upang beripikahin ang kanilang recruiter at tiyaking legal ang kanilang pag-alis bago maglabas ng malaking halaga.

Walang masama sa pangarap na makapagtrabaho sa ibang bansa. Ngunit dapat tandaan na mas mahalaga ang ligtas at ligal na pag-alis kaysa mabilis ngunit mapanganib na pagbibiyahe. Ang ilang buwang paghihintay sa tamang proseso ay mas mabuti kaysa habambuhay na pagsisihan ang maling desisyon.

••••

Email – [email protected]

R­ECRUITMENT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with