49 dayuhan dinakip sa online scam hub

MANILA, Philippines — Nadakip sa pinagsanib na operasyon ng Bureau of Immigration (BI) at National Bureau of Investigation (NBI) ang 49 dayuhan matapos na salakayin ang isang gusali na nagsisilbing online scam hub sa Macapagal Avenue, Pasay City.
Ayon kay Commissioner Joel Anthony Viado, inaresto ang mga dayuhan matapos makatanggap ang BI ng impormasyon na sila ay nagtatrabaho para sa isang pekeng online scam hub na nagpapanggap bilang lehitimong digital services at online marketing company. Isinagawa ang operasyon matapos ang beripikasyon ng BI at NBI at paglabas ng isang mission order.
Nadiskubreng nagtatrabaho ang mga inaresto nang walang tunay visa, habang dalawa sa kanila ay may derogatory records.
Kabilang sa mga ito ang isang 29-anyos na Bangladeshi na nasa watchlist order dahil sa iligal na recruitment activities at isang 25-anyos na Pakistani na nasa alert list order dahil sa hinihinalang panloloko sa pananalapi (financial fraud).
Matapos ang booking at dokumentasyon, sasailalim ang mga nahuli sa deportation proceedings at blacklisting upang hindi na makabalik sa kani-kanilang bansa.
Dagdag pa ni Viado, ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng matibay na ugnayan sa pagitan ng BI at NBI sa pagsugpo cybercrimes.
Matatandaang ipinagbawal na sa bansa ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) dahil sa tumataas na insidente ng krimen na may kaugnayan dito.
- Latest