Lubog na naman
BAHA na naman. At kasabay ng pagtaas ng tubig ay ang muling pag-akyat ng takot, galit at pangungulila ng mga pamilyang ilang ulit nang dumaan sa parehong bangungot.
Muling bubuhatin ang mga gamit. Muling ililikas ang mga bata. Muling may mga magulang na kakabahan kung ligtas pa ang kanilang pamilya.
Ang tanong: Hindi ba dapat nalutas na ito?
Ilang bilyon na ang inilaan sa flood control. Iba’t ibang proyekto ang ipinagawa at ipinangako. Pero sa unang malakas na buhos ng ulan, marami pa ring Pilipino ang lumulubog.
Kaya hindi nakapagtatakang kumulo ang dugo ng taumbayan sa mga lumalabas na alegasyon ng anomalya at ghost projects.
May mga nakasuhan at may mga naaresto. Pero para sa mga Pilipinong nawalan ng bahay at kabuhayan, hindi sapat ang ilang pangalan sa kaso.
Gusto nila hustisya. Gusto nila ang resulta. Dahil ang perang inilaan sa flood control ay pera ng bayan. Kasama rito ang buwis ng manggagawa, negosyante at mga OFW na nagpapakahirap sa ibang bansa para may maipadala sa kanilang pamilya.
Kaya kung may napatunayang nagnakaw sa pondong dapat sana’y panangga sa baha, hindi lamang pera ang kinuha.
Kinuha ang seguridad ng mga pamilya. Kinuha ang kanilang pag-asa. At sa pinakamasamang pagkakataon, buhay ang maaring maging kapalit.
Hindi kasalanan ng tao ang umulan. Pero kung may pondong inilaan para protektahan sila at hindi ito nagampanan nang tama, may mga tanong na kailangang sagutin.
Sino ang pumirma? Sino ang nakinabang? Saan napunta ang pera at higit sa lahat kailan may tunay na mananagot?
Kapag humupa ang baha, matutuyo ang kalsada. Lilinisin ang putik. Muling magtatrabaho ang mga tao. Pero sana, huwag ding matuyo ang alaala ng taumbayan.
Dahil sawa na silang malunod sa baha. Mas sawa na silang malunod sa mga pangakong bilyon ang halaga, pero sa huli sila na rin ang talo.
- Latest



















