Imago (82)
HABANG dahan-dahang humahakbang si Maya sa pasilyo, naramdaman niya ang isang hindi pamilyar na paggalaw sa kanyang ilalim.
Akala niya sa una ay ugong lamang ito ng isang malaking generator sa lupa, ngunit biglang gumalaw ang sahig na bakal, isang mabagal, mabigat, at inclined na pag-indayog na halos magpadapa sa kanya.
Humawak nang mahigpit si Maya sa pader.
Mabilis siyang lumapit sa isang bilog na frame sa gilid ng bakal na pader. Inakala niyang isa lamang itong lumang bentilador o exhaust vent. Gamit ang kanyang basang manggas, pinunasan niya ang makapal na alikabok sa makapal na salamin nito.
Nanlamig ang buong katawan ni Maya sa nakita. Hindi ito pader ng isang abandoned warehouse sa gilid ng daungan.
Ang tinititigan niya ay isang lumang brass porthole ng isang malaking barko. Sa labas ng salamin, wala ang sementadong daungan ng Drydock 4, kundi ang itim at nagwawalang karagatan.
Sa kalayuan, natatanaw niya ang maliliit na ilaw ng isan lighthouse na dahan-dahang lumalayo sa kanila.
Wala siya sa lupa.
Napagtanto niya na mula pa noong mawalan siya ng malay sa pickup truck, isinakay na siya nina Elena sa isang lumulutang na lumang barko.
Napahawak si Maya sa kanyang dibdib habang bumibilis ang kanyang paghinga. Walang tatakbuhan. Walang kalsadang puwedeng takbuhan. Sa gitna ng itim na karagatan, nakakulong siya sa loob ng isang bakal na silid kasama ang kanyang mga kalaban. (Itutuloy)
- Latest




















