Visa Express o shortcut sa batas?
IKINANTA ng ilang sumbungero, na nagsimula umano noong Enero ang isang umano’y iregular na sistema ng pagproseso ng ilang Philippine 9(a) visa.
Batay sa mga alegasyon, may mga dayuhang aplikante, kabilang ang ilang Indian nationals, na pinagkakalooban umano sa New Delhi Consulate ng Philippine 9(a) visa sa ilalim ng sponsorship ng maliliit na kumpanya kahit wala umanong kinakailangang pag-apruba o beripikasyon mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) at sa pangunahing tanggapan ng Bureau of Immigration, kung ito ay kinakailangan sa ilalim ng umiiral na mga patakaran.
Ayon sa sumbungero, ang karaniwang proseso ay dapat dumaan muna sa tamang aplikasyon para sa kaukulang work visa o permit, saka lamang magkakaroon ng pag-apruba at koordinasyon sa mga kinauukulang tanggapan bago maipadala ang awtorisasyon sa embahada ng Pilipinas. Ngunit pinaghihinalaan umanong nilalaktawan ang mga prosesong ito.
May alegasyon din na humigit-kumulang US$1,000 umano ang sinisingil sa bawat aplikante kapalit ng pagproseso ng naturang visa.
Noong Hunyo 2, ayon pa sa mga dokumento at impormasyong isinumite, mayroon na namang inilabas na 9(a) visa na maaari umanong i-convert sa work permit, kahit wala umanong naunang pag-apruba mula sa DOLE kung ito ay kinakailangan.
Kung may katotohanan ang mga paratang na ito, hindi lamang ito usapin ng paglabag sa proseso. Usapin ito ng integridad ng sistema ng imigrasyon at ng tiwala ng publiko sa mga institusyong inaasahang nagpapatupad ng batas. Nararapat lamang na magkaroon ng isang malaya, patas at masusing imbestigasyon upang malaman kung nasunod ba ang lahat ng umiiral na batas at regulasyon at upang mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag.
Disclaimer: Ang nilalaman ng artikulong ito ay batay sa mga alegasyon, impormasyon at dokumentong isinumite para sa beripikasyon ng mga kinauukulang awtoridad. Ang mga paratang ay hindi pa napatutunayan at hindi dapat ituring na katotohanan hangga’t wala pang pinal na resulta ng opisyal na imbestigasyon. Layunin ng paglalahad na ito na hikayatin ang patas, independiyente at masusing pagsisiyasat alinsunod sa umiiral na batas.
- Latest




















