Termination dahil sa pag-absent without leave (AWOL)?
Dear Attorney,
Nagkasakit po ako kaya hindi ako nakapasok sa trabaho ng ilang araw. Pagbalik ko ay sinabihan na ako na hindi na raw ako maaaring magtrabaho dahil itinuring na akong AWOL at inabandona ko raw ang aking trabaho. Tama po ba na basta na lamang nila ako tanggalin dahil sa aking pag-absent kahit may dahilan naman ako? – Carlo
Dear Carlo,
Hindi sapat ang basta pagliban upang masabing inabandona na ng empleyado ang kanyang trabaho kaya hindi rin ito sapat na dahilan para sa termination o pagkakatanggal. Kamakailan lamang ay nilinaw ng Korte Suprema ang puntong ito sa kasong Carpio v. Green Era Biotech Corp. (G.R. No. 267217, 19 November 2025), kung saan ang pag-absent ay hindi ipinagpalagay na sapat na patunay ng abandonment o pag-abandona sa trabaho ng empleyado.
Sa kasong iyon, kahit walang pahintulot ang mga absences ng empleyado, napansin ng Korte Suprema na wala namang ebidensyang nagpapakita na ninais niyang abandonahin ang kanyang trabaho. Sa katunayan, sinubukan pa niyang bumalik sa trabaho at agad niyang kinuwestiyon ang kanyang pagkakatanggal sa pamamagitan ng paghahain ng reklamo. Itong mga aksyong ito mismo ang nagpapatunay na wala siyang intensyong umalis.
Ayon sa Korte Suprema, upang masabing may abandonment ng trabaho ay kailangang ang empleyado ay lumiban nang walang wastong dahilan. Pangalawa, kailangan din na malinaw na ipinakita ng empleyado, sa pamamagitan ng kanyang mga aksyon, na may pagnanais siyang putulin ang kanyang ugnayan sa kanyang employer.
Kaya malinaw na hindi sapat ang pag-absent o pagliban upang tanggalin ang empleyado. Kailangan may malinaw na hakbang na nagpapakita ng intensyon na talagang aalis na sa trabaho ang empleyado. At dahil ang abandonment ay isang dahilan ng termination, nasa employer ang pananagutang patunayan ang mga elemento nito at hindi sa empleyado.
Kaya sa sitwasyon mo, kung may wastong dahilan ka naman sa iyong pagliban, tulad ng karamdaman, at wala kang ipinakitang intensyong talikuran ang iyong trabaho, ay malamang na hindi wasto ang iyong pagkakatanggal.
Maipapayo ko na ipunin mo ang lahat ng dokumentong magpapatunay ng iyong dahilan sa pag-absent, tulad ng medical certificate kung nagkasakit ka, at itala ang iyong mga pagtatangkang bumalik sa trabaho. Ang lahat ng ito ay para may sapat kang ebidensya sakaling ikaw ay magpasya na magsampa ng reklamo upang kuwestiyunin ang iyong pagkakatanggal.
Sana’y nasagot ko ang iyong katanungan.
- Latest















