^

Punto Mo

EDITORYAL — Ang karaniwang manggagawa at si Senador Bato

Pang-masa

NAPAKAHALAGA ng desisyong isinulat ni Supreme Court Associate Justice Maria Filomena Singh kamakailan na hindi sapat ang pag-absent sa trabaho para sabihing inabandona na ng empleyado ang kanyang hanapbuhay.

Nag-ugat ang kaso sa isang production utility worker na idineklarang AWOL matapos mag-absent ng ilang araw dahil sa pagkakasakit. Nang bumalik siya sa trabaho, hindi siya pinapasok. Dinala niya ang kaso sa labor tribunal. Natalo sa Labor Arbiter, NLRC at Court of Appeals, ngunit binaliktad ito ng SC.

Nilinaw ng SC na may dalawang kailangang patuna­yan sa abandonment: una, ang empleyado ay absent nang walang sapat na dahilan; at ikalawa, malinaw na may intensyon siyang putulin ang ugnayan sa employer. Mas mahalaga ang ikalawa. Hindi sapat na hindi pumasok ang manggagawa. Kailangang may kilos o ebidensiyang nagpapakitang ayaw na niyang bumalik sa trabaho.

Sa kasong ito, sinabi ng Korte na kahit may unautho­rized absences ang empleyado, hindi napatunayang gusto niyang talikuran ang kanyang kabuhayan. Sa katunayan, nagtangka siyang bumalik sa trabaho at agad na naghain ng reklamo nang hindi na siya pinapasok. Kaya ilegal ang kanyang dismissal. Gayunman, hindi rin siya binigyan ng back wages dahil kinilala ng Korte na may pananagutan pa rin siya sa pagliban. Tamang balanse ito. Hindi sinasabi ng Korte na puwedeng balewalain ng manggagawa ang patakaran. Ang sinasabi nito: hindi puwedeng gawing shortcut ng mga employer sa tanggalan ang pag-AWOL. Dapat may due process, sapat na ebidensIya, at patas na parusa. Dito mas matalim ang tanong: kung ang ordinar­yong manggagawa ay dapat magpaliwanag sa ilang araw na pag-absent, bakit maluwag ang pananagutan sa opisyal na ang suweldo ay mula sa taumbayan?

Ayon sa report, si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ay may 31 absences sa 58 session days ng Senado at hindi nakadalo sa mga sesyon mula Nobyembre 2025. May ­ethics complaint ding inihain laban sa kanya dahil sa matagal na pag-absent. May panukala rin ngayon na ipatupad ang “no work, no pay” sa matataas na opisyal ng gobyerno na absent nang walang malinaw na dahilan o proper leave.

Makatarungan ito. Sa ordinaryong empleyado, ang hindi pagpasok ay maaaring mauwi sa kaltas, suspension, notice to explain, o tanggalin. Hindi pareho ang labor law ng empleyado at ang patakaran sa halal na opisyal. Pero pareho ang moral na sukatan: may trabaho, may pananagutan. Mas mabigat pa nga ang tungkulin ng public official dahil hindi pribadong kompanya ang nagpapasuweldo sa kanya kundi taumbayan. Kaya dapat malinaw ang patakaran sa attendance, leave, ­salary deduction, at sanctions para sa mga opisyal. Kung mahigpit ang sistema sa karaniwang manggagawa, mas dapat mahigpit sa mga nasa kapangyarihan na niluklok at pinasusuweldo ng taumbayan.

AWOL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with