Imago (31)
INIWAN ni Maya ang maingay na siyudad upang akyatin ang silangang burol ng lungsod. Sa pagyapak niya sa bungad ng sementeryo sa bundok, tila tuluyan nang nagbago ang panahon. Ang sikat ng umaga ay walang lakas dito, hinaharangan ito ng mga naglalakihang puno ng cedar at bamboo, kaya ang buong paligid ay nakalubog sa isang malamig at mamasa-masang anino.
Libu-libong lapida ang nakahilera paakyat sa matarik na burol. Walang ibang tao. Ang tanging tunog ay ang marahas na huni ng mga uwak sa itaas at ang kaluskos ng mga tuyong dahon sa bawat hakbang niya.
Hawak ang omamori na pinadala sa kanya, tinahak ni Maya ang makikitid na daang bato. Pakiramdam niya, bawat lapida ay may mga matang nakamasid sa kanyang pag-atake sa teritoryo ng mga yumao.
Narating niya ang pinakadulo at pinakalumang bahagi ng sementeryo, kung saan ang mga bato ay nababalutan na nang makapal na lumot. Huminto ang kanyang mga paa sa tapat ng isang malaking sementadong nitso.
Walang tao roon, ngunit sa ibabaw nang malamig na bato, may isang bagay na hindi dapat nandoon.
Iyon ang portable audio recorder ni Nelson, ang kagamitang laging gamit nito sa pagre-record ng mga interview niya sa kanyang mga news report.
Lumapit si Maya, pigil ang hininga. Sa gitna ng kulay-abong paligid, ang maliit na LED light ng recorder ay ritmikong umilaw ng kulay berde.
Bukas ito. At kasalukuyan itong nagre-record ng bawat tunog ng kanyang paghinga sa loob ng sementeryo. (Itutuloy)
- Latest















