^

Punto Mo

Paano na ang mga hindi makapag-aral?­

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Sa pagbubukas ng School Year 2026-2027, tinatayang mahigit 28 ­milyong mag-aaral ang bumalik sa mga silid-aralan sa buong bansa. Karamihan sa kanila ay nasa pampubliko at pribadong elementarya at hayskul, bukod pa sa mga pumapasok sa mga kolehiyo at unibersidad.

Napakalaking bilang nito. Gayunman, sa likod ng masayang pagbabalik-eskuwela ay naroon pa rin ang isang masakit na katotohanan—marami pa ring kabataang Pilipino ang hindi nakapag-aaral o napipilitang tumigil sa pag-aaral.

Kahirapan ang pangunahing dahilan kung bakit maraming bata at kabataan ang hindi nakapagpapatuloy sa kanilang edukasyon. May mga ­pamilyang hirap nang maglaan ng pambili ng pagkain kaya lalong hindi ka­yang tustusan ang pamasahe, uniporme, school supplies at iba pang gastusin sa pag-aaral. May ilan ding kailangang tumulong agad sa paghahanapbuhay upang madagdagan ang kita ng kanilang pamilya. Nariyan din ang mga nakatira sa mga liblib na lugar na lubhang napakalayo sa mga paaralan.

May mga kabataang nakatapos ng elementarya ngunit hindi na nakaabot ng senior high school. Ang iba naman ay nakapasok sa kolehiyo ngunit napilitang huminto matapos ang isa o dalawang taon dahil sa kakulangan ng pera. Mas nakalulungkot na mayroon ding mga batang hindi man lamang nakatuntong sa kindergarten o Grade 1.

Kapag hindi nakapag-aral ang isang tao, mas nagiging limitado ang kaniyang mga oportunidad sa buhay. Karaniwan, napupunta sila sa mga trabahong mababa ang sahod at walang kasiguruhan. Mas mataas din ang posibilidad na sila ay makaranas ng pagsasamantala. Limitado ang oportunidad sa promotion, mahirap makapasok sa maraming propesyon at mahirap makaahon sa buhay.

May mga tao naman na nagtagumpay sa buhay kahit hindi nakapagtapos ng kolehiyo. Ngunit bihira ito. Para sa nakararami, ang edukasyon pa rin ang isa sa pinakamabisang paraan upang makaahon sa kahirapan at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.

Kaya naman malaking dagok para sa isang kabataan ang mapilitang huminto sa pag-aaral. Marami ang nakararanas ng matinding panghihinayang, kalungkutan at pagkabigo habang nakikita nilang nagpapatuloy sa pag-aaral ang kanilang mga kaibigan at kaklase. May ilan na nagsisikap maging working student o naghahanap ng scholarship upang maituloy ang kanilang mga pangarap. Ang iba ay kumukuha ng vocational courses.   Subalit paano naman ang mga walang pagkakataong makakuha ng scholarship, makapag-aral sa vocational school o makahanap ng trabaho habang nag-aaral? Meron namang mga programa sa libreng kolehiyo pero may mga limitasyon at marami pa rin ang hindi makatapos ng pag-aaral.   Saan na sila mapupunta?  Karapatan ng mga Kabataan ang edukasyon pero tila hindi lahat ay meron nito.

••••

Email – [email protected]

SILID ARALAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with