Sino ang tunay na bato?
MAY isang Senador na ang tag-uri ay ‘‘Bato’’ dahil sa impresyon na siya’y matapang, walang inuurungan, solido, at matatag. Siya’y si Senator Ronald Dela Rosa, graduate ng PMA at naging hepe ng PNP sa ilalim ng administrasyon ni dating Presidente Digong Duterte.
Naalala ko ang pangalang ibinigay ni Jesus kay Simon. Tinawag Niya si Simon na Pedro, ibig sabihin ay ‘‘bato’’ bilang propesiya ng magiging katayuan ni Simon bilang isang matapang at matatag na alagad. Dahil sa halos kalahating-taong pagtatago ni Senator Bato sa takot na ipaaresto ng ICC, sa pagtakbo niya papasok ng Senado, at nadapa pa nga, para matakasan ang diumano’y pag-aresto ng NBI, at halos lumuluhang panawagan kay Presidente BBM na huwag siyang isusuko sa ICC, maraming nagsasabi na natunaw ang bato at naging alikabok.
Hindi natin pag-uusapan kung si Senator Bato ay talagang matapang o isang duwag na tao. Ang nais kong pag-usapan natin ay kung ano ang kahulugan ng katapangan o pagiging bato.
Ayon sa Biblia, ang katapangan ay ang lakas ng loob at paninindigan na gawin ang tama, harapin ang mabibigat na hamon, kahit may nararamdamang takot, bunga ng malalim na pagtitiwala sa Diyos. Kaya’t ang katapangan ay higit pa sa pagiging mukhang brusko at higit pa sa pagtataas ng boses o pagmumura. Ito’y ang katatagan ng loob sa harap ng mabigat na sitwasyon dahil sa ganap na pagtitiwala sa Diyos.
Ang katapangan ay hindi naipapakita sa panahon ng giyera. Ito’y naipapakita kung paano hinaharap ang pang-araw-araw na buhay. May magandang depinisyon na ibinigay ang manunulat at peryodistang si Ernest Hemingway. Wika niya, ‘‘Ang katapangan ay ang pagiging mahinahon sa harap ng kagipitan.’’ Ang tunay na katapangan ay hindi naman ang kawalan ng takot. Sa halip, ito’y ang pagkontrol sa takot at pagiging kalmante sa harap ng mahihirap na sitwasyon.
Kaya ang tunay na katapangan ay biyaya ng Diyos. Ganito ang wika sa 2 Timoteo 1:7, ‘‘Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig, at ng pagpipigil sa sarili.’’
Ang matapang ay hindi basta sumusuko, kahit parang higante ang hinaharap na problema. Sa Biblia, tinalo ng isang musmos na si David ang higanteng si Goliath, dahil sa pagtitiwala na kakampi niya ang Diyos. May David sa puso ng bawat tao na ganap ang pagtitiwala sa Diyos. Ang matapang ay laging handang magsakripisyo para sa kapakanan ng iba at laging handang ipagtanggol ang katotohanan, katuwiran, at katarungan.
Mas maraming karapat-dapat sa tag-uring bato. Ang isang empleado ng gobyerno na hindi nakikiayon sa tiwaling sistema, mangahulugan man ito ng mabagal na pag-asenso, ay siyang tunay na bato. Ang isang negosyante na patas sa pakikipagkumpitensya, mangahulugan man ito ng maliit na kita kumpara sa mandaraya, ay siyang tunay na bato. Ang isang manggagawa na ang maliit na kinikita ay bunga ng dugo at pawis, kumpara sa isang pulitikong nangungulimbat ng milyun-milyon sa pamamagitan ng laway at kawalang-konsensya, ay siyang tunay na bato.
Heto ang malungkot, ang mga tunay na bato sa ating lipunan ang siya pang nagpapakain sa mga pekeng bato! At ang lalong malungkot, marami pa ring napapabilib ang mga pekeng bato!
- Latest















