Tres Queridas (15)
PUMASOK si Mateo sa kanyang silid upang manood ng cartoons sa TV. Naiwan ang tatlong babae sa hapag-kainan. Naghain si Diana ng mainit na kape, pandesal at kesong puti.
Napangiti si Lani nang makita ang kesong puti na tila may magandang alaala tungkol dito “Noong bata ako,” kuwento ni Lani habang marahang pinapalamanan ang kanyang tinapay, “lagi akong dinadala ng tatay ko sa isang lumang port town sa San Ildefonso tuwing bakasyon. May maliit na daungan doon. May nagtitinda roon ng kesong puti na kasingsarap nito.”
Napatigil si Celeste habang hawak ang kanyang tasa. “Sa Monteluz Port ba ‘yan? ‘Yung may lumang lighthouse sa dulo?”
Gulat na tumango si Lani. “Oo, doon nga! Paano mo nalaman?”
Ibinaba ni Celeste ang tasa nang walang kaingay-ingay. “Doon nakatayo ang pinakaunang shipping dock ng family namin. Bago itinatag ni Papa ang kompanya rito sa Manila, doon siya nagsimula. Doon niya itinayo ang unang bodega ng mga piyesa ng barko.”
Napatingin si Diana sa kanilang dalawa. Abala ang kaniyang isip sa pagbabalik sa kanyang sariling kabataan. “Noong elementary ako... doon din ipinadala si Papa para sa kanyang unang malaking accounting audit.”
Tahimik na lumiyab ang katotohanan sa gitna ng silid. Sa mismong lumang port town na iyon sa Batangas, nagkasalubong na ang landas ng mga tatay nila. Si Benjamin Ramos na tatay ni Lani bilang maritime inspector, ang daddy ni Celeste na si Ramon Vergara bilang may-ari ng daungan, at si Armando Hernandez na ama ni Diana.
“Hindi tayo pinagsabay-sabay ni Carlo nang paulit-ulit nang dahil lang sa pagkakataon,” bulong ni Diana habang tinititigan ang mga basong nakalapag sa mesa. “Doon sa San Ildefonso... doon nagsimula ang lahat.”
(Itutuloy)
- Latest















