Walang NTE nang tinanggal bilang probationary employee
Dear Attorney,
Natanggap po ako noong January 2026 bilang probationary employee at nitong nakaraang linggo ay sinabihan na ako na hindi na ako ire-regularize dahil sa mahinang performance. Valid po ba na hindi na nagbigay ng notice to explain ang employer bago ako tanggalin kahit isa sa mga dahilan ng pagpapaalis sa akin ay isang paglabag daw sa patakaran ng kumpanya? — Rina
Dear Rina,
Ang sagot dito ay nakasalalay sa kung ano talaga ang pangunahing dahilan ng hindi pag-regularize sa iyo. Kung ang tanging dahilan ay mahinang performance bilang isang probationary employee, ang employer ay may karapatang hindi ka i-regularize nang hindi na kailangang dumaan sa isang notice to explain. Ito ay dahil ang probationary employment ay may kasamang tinatawag na performance standards na kailangang sundin ng empleyado bago siya maging regular. Kung hindi naabot ang mga pamantayang ito, maaaring tapusin ng employer ang probationary employment bago matapos ang anim na buwang probationary period, basta’t ang mga performance standards na iyon ay naipabatid sa empleyado sa simula pa lamang ng kanyang trabaho.
Ngunit magbabago ang sitwasyon kung ang talagang dahilan ng iyong termination ay isang paglabag sa patakaran ng kumpanya. Ang paglabag sa patakaran ay isang just cause sa ilalim ng Article 297 ng Labor Code, at kahit probationary employee ka, nangangailangan ito ng pagsunod sa tinatawag na twin notice rule. Ang unang abiso ay dapat nagdedetalye ng paratang laban sa iyo at nagbibigay sa iyo ng pagkakataon na sumagot, at ang pangalawang abiso ang nagpapaalam ng desisyon ng employer. Malinaw ito sa kasong Robinsons Galleria v. Ranchez (G.R. No. 177937, 19 January 2011), kung saan kinilala ang karapatan ng isang probationary employee sa due process kahit hindi pa siya regular sa kanyang posisyon.
Kaya kung ang paglabag sa patakaran ang siyang pangunahing dahilan ng iyong pagpapaalis at hindi ka binigyan ng pagkakataong magpaliwanag ukol dito, maaaring may paglabag sa iyong karapatang sa due process. Sa ganyang sitwasyon, kahit valid ang pagpapaalis, maaari kang humingi ng nominal damages dahil sa kabiguan ng employer na sundin ang tamang proseso, ayon sa doktrinang itinakda sa kasong Agabon v. NLRC (G.R. No. 158693, 17 November 2004).
Ngayon, kung ang termination mo naman ay dahil lang talaga sa iyong poor performance bilang isang probationary employee at ang iyong diumano’y paglabag sa company policy ay pahapyaw lamang na nabanggit sa iyong termination notice, ay hindi na kailangan ang NTE at walang nilabag na batas ang iyong employer sa pag-terminate sa iyo sa ganyang paraan.
Maipapayo ko sa iyo na itala ang lahat ng pangyayari at dokumento na natanggap mo mula sa iyong employer at personal na kumonsulta sa isang abogado upang masuri nang maayos ang iyong sitwasyon, kung sa tingin mo ay may karapatan kang nilabag at balak mong magsampa ng reklamo dahil sa iyong termination.
- Latest


















