EDITORYAL – Unemployment rate, tumaas
Tumaas sa 5.4 percent ang unemployment rate ng bansa noong nakaraang Setyembre 2026, ayon sa report kamakailan ng Philippine Statistics Authority (PSA). Lumalabas na 2.86 milyong Pilipino ang walang pinagkakakitaan. Mas marami ito kung ikukumpara noong Setyembre 2025 na 900,000 ang unemployed.
Ipinakikita ng datos na hindi sapat ang bilis ng paglikha ng trabaho para sa rami ng mga Pilipinong naghahanap nito. Sa 1.63 milyong nadagdag sa labor force sa loob ng isang taon, 721,000 lamang ang nakahanap ng trabaho habang 909,000 ang naging unemployed.
Ang problemang ito ang dapat pagtuunan ng gobyerno. Hindi sapat na sabihing may nadaragdag namang trabaho. Ang tanong ngayon ay kung sapat ba ang mga ito para sa lumalaking workforce, lalo na sa mga kabataang bagong pumapasok sa labor market.
Halos 988,000 kabataang edad 15 hanggang 24 ang nadagdag sa labor force, pero hindi lahat sa kanila ay nakahanap ng trabaho. Ngayong taon na ito, maraming bagong graduate sa kolehiyo ang tiyak na mapapabilang sa mga walang trabaho.
Ayon sa report ng Commission on Higher Education (CHED), tinatayang 700,000 hanggang 800,000 ang mga nagtatapos ng kolehiyo taun-taon. Sa rami ng mga nagtapos, malaking problema kung saan sila makahahanap ng trabaho.
Tiyak na mapapabilang sila sa mga “nagbibilang ng poste” at aasa pa rin sa kani-kanilang mga magulang. Pagkaraang mag-aral ng apat o limang taon, wala rin palang mapapasukang trabaho.
Isa pa sa nakababahalang balita: humina ang construction sector at nawalan ito ng 271,000 trabaho. Iniuugnay ito sa mabagal na government construction projects at mataas na presyo ng materyales.
Kapag bumabagal ang mga industriyang kayang kumuha ng maraming manggagawa, mas mahirap saluhin ang mga bagong naghahanap ng trabaho.
At kahit may trabaho na ang ilan, 5.56 milyon pa rin ang “underemployed”, ito ang mga manggagawang naghahanap pa ng dagdag na oras o kita.
Kaya hindi dapat unemployment rate lang ang tinitingnan.
Mahalaga rin kung sapat ang kita, matatag ang trabaho, at may oportunidad para sa mga bagong graduate at manggagawang gustong umasenso.
Hindi sapat na sabihing may trabaho. Ang tunay na hamon ay lumikha ng sapat, matatag at maayos na trabaho para sa dumaraming Pilipino. Dito dapat magpokus ang pamahalaan.
- Latest















