^

Punto Mo

Epektibo pa ba ang ‘Drink Moderately’?

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Ilang dekada na nating nakikita sa mga patalastas ng alak sa telebisyon, sinehan, billboard sa mga kalsada, internet at ma­ging sa mga pakete ng mga produktong ito ang paalala na “Drink Moderately” (uminom nang katamtaman). Minsan naman ay “Drink Responsibly” (uminom nang responsable) ang nakasulat.

Hindi malinaw kung gaano kaepektibo ang mga paala­lang ito. Madalas ang mga pagkakataon na hindi sapat sa isang ­manginginom ang isang tagay ng alak o bote ng beer kaya susundan pa niya ito ng isa pang shot o bagong baso.

Hindi rin naman maikakaila ang dahilan kung bakit kaila­ngang idiin ang responsableng pag-inom. Ang sobrang pag-inom ng alak ay may kaugnayan sa iba’t ibang problema sa kalusugan, aksidente, karahasan at iba pang kapahamakan.

Gayunman, isang bagong pag-aaral ng mga mananaliksik na kaugnay ng Columbia University Mailman School of Public Health sa Estados Unidos ang muling nagbigay-diin sa mga panganib ng pag-inom ng alak. Nalathala ito ngayong taon sa Journal of Studies on Alcohol and Drugs sa ilalim ng pamagat na Alcohol Intake and Health Study: No Protective Effect at Low Levels, With Mortality Increasing to 1 in 25 at 14 Drinks Per Week.

Sa kanilang natuklasan, walang nakitang pangkalahatang proteksiyon sa kalusugan ang pag-inom ng alak, kahit sa mababang antas. May panganib pa rin ng kanser, sakit sa puso, sakit sa atay at mga pinsalang dulot ng aksidente. Bagaman may ilang posibleng kaugnayan ang mababang antas ng pag-inom sa mas mababang panganib ng ilang uri ng sakit sa puso at stroke, natatabunan naman umano ito ng kabuuang panganib sa kalusugan.

Ayon kay Katherine M. Keyes, PhD, propesor ng Epidemiology sa naturang paaralan at co-author ng pag-aaral, walang nakitang proteksiyon sa kalusugan kahit sa mababang antas ng pag-inom. Patuloy na tumataas ang panganib habang dumarami ang iniinom.

Hindi nangangahulugan ang mga resulta ng pag-aaral na magkakaroon agad ng ­malubhang sakit ang sinumang uminom nang kaunti. Nagkakaiba ang panganib batay sa edad, ­kalagayan ng kalusugan, pamumuhay at iba pang salik. Ang ipinahihiwatig lamang nito ay hindi ­nangangahulugang ligtas na sa kalusugan ang pag-inom nang katamtaman.

Sinasabi ng mga researcher na maaaring makatulong ang mga impormasyong ito sa mga konsiyumer sa pagpapasya kung gaano karaming alak ang kanilang iinumin.

Gayunman, baka panahon nang pag-isipan kung sapat pa ba ang mga paalalang “Drink Moderately” at “Drink Responsibly” sa mga patalastas ng alak?

••••

Email- [email protected]

DRINK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with