Daig pa ang pelikula
KUNG minsan, higit na kagulat-gulat at kamangha-mangha ang tunay na pangyayari sa buhay kaysa sa mga pangyayaring nilalaman ng mga kuwentong kathang-isip lamang. Ito ang sinabi ng American writer na si Mark Twain. Ganito mismo ang nangyayari sa Pilipinas. Ang kamakailan na kaganapan sa Kongreso ay higit na kagulat-gulat at kamangha-mangha kaysa mga drama series sa telebisyon. Higit pa sa pelikula, blockbuster talaga!
Nangyari sa Kamara ang kagulat-gulat at kamangha-mangha. Pinagtibay ang mosyon ng Justice Committee sa impeachment ni VP Sara upang siya’y litisin sa Senado. Higit sa inaasahan ang boto, 257 ang pabor, 25 ang tutol, at 9 ang nag-abstain. Ang botong kailangan para ma-impeach si Sara ay 106 lamang. Bago ang botohan, kumalat ang balita na hindi maaabot ang 106 na boto. Hindi totoo ang balita, sapagkat sobra-sobra ang pumabor, kakaunti lamang ang tumutol.
Hindi patatalo ang Senado sa mala-pelikulang kaganapan, kagulat-gulat din at kamangha-mangha. Biglang sumipot sa eksena ang isang nawawalang tauhan, si Senator Bato, matapos ang halos kalahating taong pagtatago. Ang biglang paglitaw niya sa eksena ay nagresulta sa bagong mayorya sa Senado at pagpapatalsik kay Senator Tito bilang Senate President, at paghalili sa kanya ni Senator Alan. Nagkaroon pa ng paghahabulan, sapagkat tinangkang hulihin ng NBI si Senator Bato, sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court dahil sa pagkakasangkot diumano nito sa giyera laban sa droga noong panahon ng termino ni Presidente Duterte. Kumpleto ang rekado: may drama, aksyon, at katatawanan.
Ang tanong, isusuko ba ng Senado si Senator Bato sa ICC? Hanggang kailan siya magtatago sa Senado? Gagawin ba nila agad-agad ang paglilitis kay VP Sara kapag tinanggap na nila ang articles of impeachment mula sa kamara? Ano kaya ang magiging ending nito? Tulad ng drama series sa telebisyon, sundan ang susunod na kabanata.
Sa pelikula ay may bida at kontrabida. Sa mala-pelikulang realidad sa Kongreso ay sino ba ang bida at kontrabida? Depende kung saan ka nakapanig. Kung pro-Sara ka, ang bida ay ang grupo nila Senator Allan, at ang konrabida ay ang grupo nila Senator Tito. Kung anti-Sara ka, ang bida ay ang grupo nina Senator Tito, at ang kontrabida ay ang grupo nina Senator Alan. Ang mahirap sa realidad ng Kongreso, napakadaling magpalitan ng mga bida at kontrabida. Ang bida ngayon, bukas-makalawa ay kontrabida na.
Ang malungkot lang, para tayong pelikulang pinapanood ng buong daigdig. At habang pinapanood ng daigdig ang mala-pelikulang kaganapan dito sa atin, lalong pumapangit ang ating imahen, lalong bumabagsak ang ating ekonomiya, lalong nababawasan ang bilang ng mga turistang nagbabalak pumunta sa atin.
Sana’y bumalik na tayo sa realidad. Itapon na natin ang mga mala-pelikula nating pantasya. Humusga tayo na ang gamit ay hindi emosyon, kundi konsensya at katotohanan. Ang ating mga lider, sana’y ang katapatan nila’y hindi sa isang tao, pamilya, o partido, kundi sa bansa. Walang isang pulitikong makapagliligtas sa atin. Tayo rin, sa gabay ng Diyos, ang makapagliligtas sa ating sarili. Tayo sanang lahat, sa pangunguna ng ating mga lider, ang sumulat ng ating kasaysayan sa gabay ng sinabi ni Presidente Luis Quezon, «Ang katapatan ko sa aking partido ay magwawakas sa sandaling magsimula ang katapatan ko sa aking bansa.»
- Latest















