EDITORYAL - ‘Pagnanasa’ ni Suntay dapat maimbestigahan
EKSAKTO sa pagsisimula ngayon ng Buwan ng Kababaihan, nagsampa na ng ethics complaint ang women’s rights advocates laban kay Quezon City 4th District Rep. Jesus “Bong” C. Suntay dahil sa bastos na pahayag nito kay actress-TV host Anne Curtis. Inatasan si Suntay na humarap sa House Committee on Ethics dahil sa kanyang mga naging pahayag sa pagdinig ng House committee noong Martes, kaugnay ng impeachment complaints kay Vise President Sara Duterte, kung saan bigla niyang ikinumpara rito ang aktres na si Curtis.
Sabi ni Suntay: “Minsan nasa Shangri-La ako, nakita ko si Anne Curtis. Ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na nag-init talaga at na-imagine ko na lang kung ano ang puwedeng mangyari. Pero siyempre hanggang imagination lang yun.”
Umani ng batikos ang pahayag ni Suntay. Nagliyab ang social media sa dami ng comments. Pati ang asawa at mga anak ni Suntay ay nadamay. Isang nakasabit na tarpaulin na may larawan ni Suntay sa isang kalye sa Quezon City ang sinulatan ng itim na pintura na nagsasabing: MANYAKIS.
Hindi makapaniwala ang marami na sasabihin ni Suntay ang naramdamang “init” kay Curtis dahil ang tingin sa kanya, iginagalang na mambabatas. Bukod dun, isa rin siyang ama at may apat na anak —dalawang babae at dalawang lalaki. Naging model family pa yata sila.
Dahil sa bastos na sinabi ni Suntay, nagdesisyon ang House Committee on Justice na tanggalin sa record ng impeachment proceeding ang sinabi ng mambabatas. Sabi ni House Committee on Justice Vice Chairperson at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora na hindi dapat ganito ang maririnig sa isang mambabatas lalo pa’t kauumpisa ng Buwan ng Kababaihan.
Ang nakadidismaya pa, si Suntay ay isa sa nagtaguyod ng Anti-Bastos Law o Republic Act 11313 (Safe Spaces Act). Ang Anti-Bastos Law ay nagpaparusa sa sexual harassment sa mga pampublikong lugar, online, trabaho, at paaralan. Sakop nito ang catcalling (pagsipol), panghihipo, malalaswang salita, at pagpapadala ng bastos na content. Nilalayon nitong siguraduhin ang kaligtasan at dignidad ng lahat ng kasarian.
Pero hanggang ngayon, naninindigan pa rin si Suntay na walang ilegal o imoral sa kanyang pahayag, “There is nothing sexual du’n sa sinabi ko, nothing immoral, it’s just, I said, may na-imagine ako, I think there is nothing wrong,” sabi niya.
Imagination lang daw niya iyon, ayon kay Suntay. Nag-imagine lang siya kay Curtis dahil napakaganda nito. Sana, nag-imagine na lang siya at hindi na pinagsigawan na nag-init siya. Hindi niya naitago ang matinding pagnanasa sa kagandahan ng aktres. Ito ang dahilan kaya dapat siyang imbestigahan.
- Latest




















