^

Punto Mo

Hindi lahat ng pahinga ay bakasyon

DIKLAP - Annabelle O. Buenviaje - Pang-masa

NOON ay may kakilala akong laging nagmamagaling—isang taong kumbinsidong ang kaniyang pananaw sa buhay ang siyang pamantayan ng tama. Sa tuwing kami’y nagkikita, hindi nawawala ang kaniyang paalala na tila ba isang utos: “Maglibang-libang naman kayo paminsan-minsan. Mahirap sa tao ang laging nakasubsob sa trabaho.” May kasunod pa itong paghahambing, sabay pagmamalaki: “Tingnan mo kami, tuwing weekend ay nagbabakasyon kaming mag-anak para kahit sandali ay makapaglibang.”

Sa unang tingin, masarap sanang isipin na ang mga salitang iyon ay bunga ng malasakit. Ngunit habang paulit-ulit ko itong naririnig, unti-unting nagbabago ang aking pakiramdam. Hindi na ito tunog ng nagpapayo, kundi paalala na may halong pagmamataas. Sa halip na pag-aalala sa aking kalagayan, ang mas nangingibabaw ay ang mensaheng mas mahusay siyang magplano at magpatakbo ng kaniyang buhay kaysa sa akin. Kaya sa halip na magpasalamat, ang aking nadama ay pagkainis, dahil hindi lahat ng payo ay nagbibigay ng galak sa puso.

Ang akala ng aking kakilala ay sukatan ng kaligayahan ang dami ng bakasyon o ang layo ng nararating tuwing weekend. Hindi niya alam na maligaya kaming mag-asawa sa aming ginagawa. Para sa amin, ang trabaho ay hindi pabigat kundi pahinga rin ng aming isipan at damdamin. Mula pa sa pagkabata ay nasa puso na namin ang pagsusulat. Isa itong panawagan ng aming kaluluwa : ang paghabi ng mga salita, ang paglikha ng mga kaisipang may saysay, at ang pagbabahagi ng mga kuwentong maaaring maging salamin ng buhay ng iba. Sa bawat sulating aming nabubuo, dama namin ang kasiyahang hindi kayang tumbasan ng kahit anong panandaliang aliw.

Ang kakilala kong naniniwalang bihasa siyang pagpapatakbo ng kanyang buhay ay bigla na lamang pumanaw dahil sa sakit sa puso. Ang balitang ito’y nag-iwan ng katahimikan at malalim na pagninilay. Sa puntong iyon, napagtanto ko na ang buhay ay hindi nasusukat sa kung gaano kadalas tayong maglibang, kundi sa kung gaano natin minamahal ang ating ginagawa. Mas mainam pala ang pusong laging masaya dahil ginagawa nito ang nais at pinaniniwalaan, kaysa pusong naghahanap ng pahinga mula sa trabahong hindi naman nagbibigay-sigla.

Sa huli, ang tunay na kaligayahan ay hindi pare-pareho ang anyo. Iba-iba ang daan ng bawat tao patungo sa kasiyahan. At marahil, ang pinakamahalagang aral ay ito: bago tayo magpayo, matuto munang umunawa, sapagkat hindi lahat ng tahimik na nagtratrabaho ay pagod, at hindi lahat ng palaging nagbabakasyon ay tunay na masaya.

NOON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with