Ang nabigong pintor na naging diktador
Bago pa man makilala si Adolf Hitler bilang isa sa pinakakinatatakutang lider sa kasaysayan, isa lamang siyang binatang puno ng pangarap. Lumaki siyang mahilig gumuhit at nangangarap na maging propesyonal na pintor. Sa murang edad, naniwala siyang ang sining ang magliligtas sa kanya mula sa karaniwang buhay.
Noong 1907, naglakbay siya patungong Vienna upang subukan ang kapalaran sa Vienna Academy of Fine Arts. Buo ang kanyang loob na matatanggap siya, ngunit laking gulat niya nang mabigo sa entrance exam. Sinubukan niyang muli noong sumunod na taon, dala ang pag-asang magbabago ang desisyon ng paaralan ngunit muli siyang tinanggihan. Ayon sa mga propesor, kulang ang kanyang kakayahan sa pagguhit ng mga tao at emosyon, kahit mahusay siya sa arkitektura at detalyeng teknikal.
Ang sunud-sunod na kabiguan ay nagdulot ng matinding epekto sa kanyang pagkatao. Unti-unti siyang naghikahos sa buhay, natulog sa mga bahay-ampunan o shelter, at naghanapbuhay sa pagbebenta ng maliliit na sariling painting at postcard sa lansangan. Sa panahong ito, madalas siyang mag-isa, nagbabasa, at nagkukulong sa sariling galit at pagkadismaya sa lipunan na sa tingin niya ay tumanggi sa kanya.
Maraming historians ang naniniwalang sa mga taon ng kahirapan at pagkabigo sa Vienna nagsimulang mabuo ang kanyang mapait na pananaw, pakiramdam ng pagiging api, at paghahanap ng masisisi. Ang mga emosyon at ideyang ito ang kalaunang naging binhi ng ideolohiyang nagdala sa kanya sa kapangyarihan at sa trahedyang sumira sa milyun-milyong buhay.
Ang kabiguan ay maaaring maging guro o kaaway. Kapag hindi hinarap nang may pag-unawa at pagpapakumbaba, maaari itong magbunga ng galit na may kakayahang manira ng buong mundo.
- Latest















