^

Punto Mo

Pag-asa at katarungan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

AYON sa pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations (SWS), 44 porsiyento ng mga Pilipino ang umaasa na uunlad ang uri ng kanilang buhay ngayong 2026, 38 porsiyento ang naniniwala na walang magiging pagbabago, samantalang walong porsiyento ang nagsabi na lalong hihirap ang kanilang buhay.

Ang may pinakamataas na pag-asa ay ang mga kabilang sa edad 18 hanggang 24 na karamihan ay tapos ng high school at kolehiyo. Ang may pinakamababang pag-asa ay ang mga nasa edad 55 pataas. Ito ang hanay ng mga retirado. Ibig sabihin, habang tumatanda ang mga Pilipino ay bumababa ang pag-asa.

Ano ang sinasabi ng resulta ng sarbey na ito? Ang mga Pilipino ay isang lahing hindi madaling mawalan ng pag-asa, isa ito sa pinagmumulan ng ating “resiliency”, madali tayong nakababangon mula sa pagbagsak dahil laging buhay ang ating pag-asa, bunga na rin ito ng ating marubdob na pananampalataya sa Diyos.

Ang totoo, wala naman talagang sitwasyon na walang pag-asa, mayroon lamang ilang tao na nawawalan ng pag-asa. Ngunit ang pag-asa, sabi ng makatang si Alexander Pope, ay “Bumabalong nang walang hanggan sa puso ng tao”.

May positibo at negatibong epekto ang lagi nating mataas na pag-asa. Dahil dito, hindi tayo basta-basta sumusuko sa mabibigat na hamon ng buhay. Ito ang katangiang dala-dala ng ating OFWs upang magpatuloy sa pagtatrabaho sa ibang bansa kahit nakararanas ng diskriminasyon at pang-aabuso.

Ang dahilan ay sapagkat laging buhay ang pag-asa na gaganda ang kalagayan. “May awa ang Diyos,” ito ang karaniwang panlaban nating mga Pilipino sa mga sitwasyong tila wala ng pag-asa. Alisan mo ng pag-asa ang isang maysakit, at ang determinasyon niya para mabuhay ay mapapalitan ng pag-asam sa kamatayan.

Gayunman, ang katangian nating ito’y nagagamit ng mga tiwaling pulitiko upang mapalampas ang kasinungalingan, kawalang-katarungan, pang-aabuso, at katiwalian. Kaya madalas, ang maiinit na isyu ay namamatay na lamang nang hindi nasosolusyunan.

Kung sa ibang bansa nangyari ang talamak na katiwaliang nangyayari sa ating bansa kung saan sangkot ang matataas na opisyales ng gobyerno, baka nagkaroon na ng giyera sibil.

Umasa tayong lahat sa sinabi ng Malacanang na bago magpasko ay may matataas na opisyal, senador o kaya’y kongresista, na makukulong, pero bagong taon na’y wala pa ring nakukulong sa hanay ng mga pulitiko. Tahimik pa rin ang umaasang publiko.

Mabuti naman talaga ang pag-asa.  Ito ang nagbibigay sa atin ng lakas upang kayanin ang mga hirap, ng dahilan upang magtiwala sa mga pangako ng Diyos, at ng kinabukasan upang ating panghawakan sa harap ng madilim na kasalukuyan. Kailangan nating umasa habang binibigyang-halaga ang katotohanan at katarungan.

Ganito ang nakasulat sa Isaias 61:8, “Sapagkat akong Panginoon ay umiibig sa katarungan, kinapopootan ko ang pagnanakaw at handog na sinusunog; at aking tapat na ibibigay sa kanila ang kanilang gantimpala, at ako’y makikipagtipan sa kanila ng walang hanggan.”

Ngayong 2026, dalangin ko na manatili ang mataas nating pag-asa, huwag nating susukuan ang ating bansa at huwag nating sasabihing mahirap mahalin ang Pilipinas. Ngunit tiyakin natin na ang ating pag-asa’y hindi hahadlang sa daloy ng katotohanan at katarungan o katwiran.

Nawa’y maging totoo sa atin ang nakasulat sa Amos 5:24, “Paagusin ninyo ang katarungan na parang tubig, at ang katwiran na parang batis na patuloy na umaagos.”

KATARUNGAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with