Pumirma na sa compromise agreement, may habol pa ba?
Dear Attorney,
Pumirma po kaming mga empleyado sa compromise agreement kapalit ng bayad mula sa aming employer. Ngunit saka na lang po namin napagtanto na napakaliit pala ng halagang ibinigay kumpara sa dapat na matanggap namin. Puwede pa rin po ba kaming magsampa ng kaso at maghabol para sa natitirang benepisyo? — Henry
Dear Henry,
Maari pa rin kayong maghabol kung sa tingin ninyo ay kulang ang inyong natanggap mula sa inyong employer. Ayon sa Korte Suprema sa Abad, et al. v. San Roque Metals, Inc. (G.R. No. 255368, 29 May 2024), ang isang compromise agreement sa pagitan ng empleyado at employer ay hindi awtomatikong pumipigil sa empleyado na maghabol kung ang ibinigay na kabayaran ay napakababa at hindi makatarungan.
Sa nasabing kaso, ang mga manggagawa ay pumirma sa compromise agreements na nagbibigay lamang sa kanila ng 5 percent hanggang 23 percent ng kabuuang backwages at separation pay na iginawad sa kanila dahil sa illegal dismissal.
Bagama’t iginiit ng kompanya na kusang-loob naman na pinirmahan ng mga empleyado ang kasunduan kaya hindi na sila maaaring humingi ng karagdagang kabayaran, hindi ito tinanggap ng Korte Suprema.
Ayon sa Korte, ang compromise agreement ay maihahalintulad sa quitclaim kaya para magkaroon ng bisa ito, hindi sapat ang kusang pagpirma lamang ng mga empleyado. Kailangan ding walang panlilinlang, ang kapalit na halaga para sa pagpirma ay makatwiran, at hindi ito labag sa batas.
Dahil napakaliit ng ibinigay na halaga at hindi katumbas ng tamang halaga ng benepisyo na nararapat sa mga empleyado, itinuring ng Korte na hindi makatarungan ang compromise agreement kung kaya’t ito ay walang bisa.
Sa nabanggit na kaso, inatasan ng Korte Suprema ang employer na bayaran ang buong halaga ng backwages at separation pay na dapat matanggap ng mga empleyado, at ibawas na lamang ang kanilang natanggap base sa compromise agreement.
Kaya maari pa rin kayong maghabol para sa mga kakulangan sa inyong benepisyo dahil hindi naman basta-basta mawawala ang mga karapatan niyo bilang mga manggagawa dahil lamang sa pagpirma ng isang dokumento, lalo na kung malinaw naman na ang kompensasyon na inyong natanggap ay hindi naman patas at alinsunod sa batas.
- Latest
















