EDITORYAL — Ipatupad ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act

ANG pagmamaneho nang lasing sa alak at lango sa illegal drugs ang numero unong dahilan nang mga malalagim na trahedya sa kalsada. Marami nang namatay dahil dito. Sa kabila na may batas, patuloy pa rin ang ilang driver sa pagmamaneho ng lasing at bangag. Mayroong mga driver ng bus na gumagamit ng droga para raw makatagal sa matagalan at malayuang biyahe. Kapag daw may “karga” balewala ang puyat sa pagmamaneho.
Noong Agosto 12, lima ang namatay at siyam ang nasugatan nang bumangga ang isang closed van sa metal fence sa kahabaan ng Central Luzon Link Expressway (CLLEX) sa Tarlac City. Sa lakas ng pagbangga tumilapon ang mga sakay ng closed van. Galing Caloocan City ang van at patungong Tarlac nang maganap ang trahedya dakong alas otso ng umaga. Ayon sa drayber, tumigas daw ang manibela ng van kaya sinalpok ang mga bakal na bakod.
Subalit nang isailalim sa drug test ang drayber, nagpositibo siya. Sinampahan siya ng multiple homicide, multiple serious physical injuries, at damage to property.
Samantala, lango sa alak ang SUV driver nag-counterflow sa Skyway noong Agosto 8. Umamin ang driver na nakainom siya ng alak nang mag-counter flow sa Skyway. Binawi ng LTO ang lisensiya ng SUV driver at sinampahan ng kasong drunk driving.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, hindi biro ang ginawa ng driver na inilagay sa panganib ang buhay ng ibang motorista. Magsilbing aral ang naturang insidente sa mga motorista upang huwag lumabag sa mga batas-trapiko.
Noong nakaraang taon, 284 na kaso ang naitala ng drunk at drugged driving at may mga namatay at malubhang nasugatan. Ang mga malalagim na aksidente sa kalsada ang naging layunin kaya isinabatas ang Republic Act No. 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act) noong 2013. Subalit sa kabila na naisabatas, marami pa rin ang lumalabag at nagmamaneho nang nakainom ng alak at nakagamit ng illegal na droga.
Ang nakapagtataka, walang sapat na kagamitan ang Land Transportation Office (LTO) upang ma-test ang drayber kung nakainom ito ng alak o naka-droga. Noong nakaraang taon, sinabi ng LTO na balak nilang bumili ng mga karagdagang breath analyzer upang maipatupad nang maayos ang batas. Ayon sa LTO, mayroon silang 750 breath analyzer pero hindi nila sigurado kung maari pang gamitin ang mga ito sapagkat binili pa ang mga ito noong 2015.
Hangga’t hindi naipatutupad nang maayos ang RA 10586, maraming mapapahamak at mamamatay. Tuunan sana ng pansin ni Sec. Dizon ang isyung ito.
- Latest















