Ginawang peryahan ang bansa
SA bawat lipunan, may hangganan ang tiwala ng taumbayan. Hindi ito basta ibinibigay, ito’y kinikita sa serbisyo, malasakit, at pagtindig para sa kabutihang panlahat. Subalit sa Pilipinas ngayon, ang tiwalang ito’y tahasan nang nilapastangan ng gobyerno, ng mga negosyante, at ng mga huwad na tagapagtanggol ng “pag-unlad”.
Isang malinaw na halimbawa nito ang maruming pagyakap ng estado sa online gambling. Dati, ang sugal ay itinuturing na panganib, isang bisyo na kailangang bantayan. Ngayon, ito’y ginawang pampublikong industriya, suportado pa ng batas, ng mga ahensya ng pamahalaan, at ng mga corporate sponsors.
Hindi na ito usapin ng kalayaang pumili. Ang tunay na isyu ay kung paano ginagamit ng mga nasa kapangyarihan ang kahinaan ng tao upang pagkakitaan. Habang pinapaganda nilang pakinggan gamit ang mga salitang “aliwan” o “entertainment”, ang totoo’y legalisadong pananamantala ito. Ibinebenta nila ang atensiyon, pagkabagot, at desperasyon ng karaniwang Pilipino kapalit ng kita at buwis.
Ang PAGCOR, na dapat sana’y tagapagtanggol ng interes ng publiko, ay naging promotor ng online sugal. Sa mga patalastas, sponsorship, influencer deals at media placements, isinubo nila sa taumbayan ang ilusyon ng “panalo”, habang tinatakpan ang trahedya ng pagkakalulong, pagkakabaon sa utang, at pagkawasak ng pamilya.
Saan ka pa makakakita ng gobyernong ang estratehiya sa ekonomiya ay pag-asa sa talo ng sariling mamamayan? Imbes na maghanap ng makatao at produktibong mapagkukunan ng pondo, mas piniling gawing casino ang cell phone ng bawat Pilipino.
Mas nakababahala pa, ang mga korporasyong may “corporate social responsibility” sa pangalan ay kasabwat sa pagbura ng moral na hangganan. Imbes na turuan ng disiplina, sila pa ang nagbibigay ng bonus sa bawat taya. Imbes na protektahan ang kabataan, sila pa ang nagpapasikat ng sugal apps sa social media.
Hindi na ito simpleng bisyo. Ito’y estrukturang nilikha, pinondohan, at pinanatili ng mga makapangyarihan gamit ang batas, teknolohiya, at propaganda. At habang sinasabi nilang “responsibilidad ng indibidwal” ang pagpigil sa sarili, sinadya naman nilang gawin itong 24/7, walang bantay, walang saksi.
Ang gobyerno ay hindi na naglilingkod, nakikisosyo ito sa pagkasira ng sarili nitong mamamayan. At ang mga negosyanteng kunwaring “nation-builders” ay mga kompanya ng kasakiman na kumikita sa bawat pagkatalo ng Pilipino.
Ang Pilipinas ay hindi dapat gawing sabungan, peryahan, o casino. At ang mamamayan ay hindi produkto na ibinebenta sa merkado ng sugal.
Panahon na para singilin ang mga nasa kapangyarihan. Hindi dahil sila ang nagpapasugal kundi dahil sila mismo ang nakataya sa pagkatalo ng sambayanan.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay isang opinyon at pagsusuri sa mga patakaran at institusyon ng pamahalaan Wala itong layuning manira ng personal na reputasyon o magparatang sa sinumang indibidwal. Layon nitong magmulat at magudyok ng pampublikong diskurso para sa kabutihang panlahat.
- Latest




















