EDITORYAL — Titiisin na lang ba ang paninindak ng China?

PATULOY na naman ang paninindak ng China sa West Philippine Sea. Dumagsa na naman ang kanilang Coast Guard vessels at hanggang sa kasalukuyan, hina-harass ang mga mangingisda sa Bajo de Masinloc. Halos isang buwan na hindi naging agresibo ang CCG at hinayaan pa ang resupply mission para sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Pero ngayon, nagkumpulan na naman ang CCG vessels.
Ang huling pagpapakita ng mga CCG vessels ay noon pang nakaraang Enero 4 kung saan walang tigil sa pagyaot ang “monster ship” sa baybayin ng Zambales. Lumapit pa nang husto at saka nagpalipat-lipat ng lugar. Mula sa Zambales ay yumaot sa Lubang, Occidental Mindoro.
Halos dalawang linggong nagpatrulya ang monster ship na may body number 5901. Ilang beses nang ni-radio challenge ng Philippine Coast Guard (PCG) ang monster ship subalit ang sagot nito ay nasa kanila raw silang teritoryo at ang Pilipinas ang lumalabag at pumapasok sa kanilang nasasakupan. Sa tingin ng mga awtoridad, nag-oobserba at pinag-aaralan ng monster ship ang galaw sa West Philippine Sea.
Halos isang buwan na walang ginawang paninindak ang CCG sa mga barko ng Philippine Coast Guard at BFAR. Wala ring ginawang pagtataboy sa mga mangingidang Pinoy. Sa aming paniwala ay natahimik pansamantala.
Pero noong nakaraang Sabado, nagsibalikan na naman at nagkumpulan ang CCG vessels sa Bajo de Masinloc. Limang CCG vessels at apat na militia vessels ang namataan sa lugar.
Sabi ni Commodore Jay Tarriela, PCG Spokesperson for West Philippine Sea, namataan ang CCG vessels sa layong 2.7 nautical miles at 8.9 nautical miles sa Bajo de Masinloc. Ang lugar na kinaroroonan ng CCG vessels ay ang tradisyunal na fishing grounds ng mga mangingisdang Pinoy. Sakop iyon ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Dahil nagkumpulan sa lugar ang CCG vessels, hindi makapangisda ang mga Pinoy.
Ang masama pang ginawa ng mga tauhan ng CCG, naglagay ng mga floating barriers sa lugar na para bang inaangkin na ang lugar. Hanggang sa kasalukuyan, nagkumpulan pa rin umano ang CCG vessels. Nagsagawa ng air patrol ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at nakita ang presensiya ng CCG vessels.
Naninindak na naman ang China. Makaraan ang halos isang buwan na walang pagkilos sa WPS. Titiisin na lamang ba ito? Ipagpatuloy ng Pilipinas ang pakikipag-joint patrol sa ibang bansa upang mapigilan ang ginagawa ng China na paghahari-harian sa teritoryo ng Pilipinas.
- Latest