Cybercrime dumarami

Triple ang dinami ng krimen sa bansa sa pamamagitan ng internet. Noong 2024, umaabot sa 10,004 ang bilang ng mga reklamong tinanggap ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center. Lubha itong mataas kumpara sa 3,317 reklamo na tinanggap ng CICC noong 2023.
Para sa CICC, positibong kaganapan ito dahil lumilitaw na inirereklamo na ng publiko sa mga awtoridad ang nararanasan nilang cybercrime. Umaabot sa kabuuang P198 milyon ang nawala sa mga biktima noong 2024. Maraming tao sa naunang mga taon ang walang kamalay-malay na nai-“scammed” na sila at hindi nila alam kung saan magsasampa ng reklamo.
Gayunman, ang naturang datos ng CICC ay iyong mga nairereport lang sa kanilang tanggapan. Baka mas malaki pa ito kung ikokonsidera ang mga cybercrime na hindi na naisusumbong ng mga biktima.
Hindi nga lang maikakailang dumarami pa rin ang naturang mga krimen na hindi rin nakakapagtaka dahil sa dami ng gumagamit ng internet, computer at cellphone kaugnay ng kanilang mga aktibidad sa araw-araw.
Ilan sa mga reklamong tinanggap ng CICC ang hinggil sa mga order na hindi dumating, pekeng advertisement, financial fraud, impersonation, job scam, investment scam, love scam, unsolicited communication, illegal access, identity theft, sexual cybercrime, phising at cyberlibel.
Ayon sa Kaspersky, karamihan ng mga cybercrime ay tumatarget sa mga computer network o gadget na kunektado sa internet. Kabilang sa mga cybercrime ang email /internet fraud; Identity fraud (ninanakaw ang mga personal na impormasyon ng isang tao para sa mga kawalanghiyaan), Theft of financial or card payment data; Theft and sale of corporate data; Cyberextortion (nangingikil ng pera para hindi matuloy ang bantang atake sa biktima); Ransomware attacks (isang klase ng cyberextortion); Cryptojacking; Cyberespionage; Infringing copyright; Illegal gambling; Selling illegal items online; at Soliciting, producing, or possessing child pornography.
Matagal na rin namang iminumungkahi ng mga eksperto ang ilang mga paraan para makaiwas sa cybercrime tulad ng pag-a-update sa mga software at operating system ng computer o smartphone; paggamit ng anti-virus software at i-update ito lagi; paggamit ng malakas na password; iwasang magbukas ng mga attachment sa mga spam email; huwag buksan ang mga link sa mga spam email o ibang messages o sa unfamiliar websites; gumamit ng two factor authentication; huwag magbigay ng personal information sa pamamagitan ng cellphone o email maliban na lang kung nakakatiyak ka na ligtas ito; laging isaisip ang mga URL ng bibisitahing website; at laging imonitor ang iyong bank account. Huwag basta-basta magtiwala sa mga estrangherong nakikilala sa pamamagitan ng internet o social media.
Malabo na ring masugpo nang ganap sa pangkalahatan ang cybercrime, ayon na rin sa mga eksperto sa ganitong usapin. Habang sumusulong ang teknolohiya, sumusulong din ang mga taktika ng mga cybercriminal. Lagi silang nakakakita ng butas para makapagsamantala.
Merong mga cybercrime na naisasagawa dahil sa kamalian ng tao tulad ng mahinang password o phising scam at iba pa. Kumikilos sa iba’t ibang bansa ang mga cybercriminal kaya nagiging mahirap ang pagpapatupad ng mga kaukulang batas.
Hangga’t may mapagkakaperahan, aatake ang mga cybercriminal. Nagagamit nila ang dark web at cyrptocurrencies para madali silang makakilos nang hindi sila madaling matutunton.
-oooooo-
Email: rmb2012x@gmail.com
- Latest