‘Pala’ (Part 4)
NILAGYAN ni Itay ng hawakan ang kalawanging pala na napulot ko sa gilid ng kalsada. Ang akala ko, magagalit si Itay dahil pumulot ako ng bulok na bagay—hindi pala.
Pagkatapos lagyan ng hawakang kahoy mula sa sanga ng madre cacao, nilinis ni Itay ang pala. Kinaskas niya ang kalawang at saka pinahiran ng langis ng niyog. Nagulat ako sapagkat lumutang ang tunay na kulay ng pala. Silver pala ang tunay na kulay.
“Magandang klase ang pala na ito. Makapal pa,’’ sabi ni Itay.
“Bakit kaya itinapon Itay?”
“Nalimutan siguro ng may-ari.’’
“Sa trabahador po ng kalsada ang may-ari nito Itay?’’
“Maari. Puwede ring ang may-ari nito ay ang kapatas. May mga kapatas kasi na nagdadala ng pala at nagbibigay ng instruction sa mga worker niya.’’
“Mabuti pala at naiuwi ko ito.’’
“Alam mo bang may kasabihan ang mga matatanda na suwerte ang nakakapulot ng pala?’’
“Talaga Itay?’’
“Sabi sa akin ng namayapa mong lolo, kapag nakakita ng pala sa dindaanan, pulutin at linisin. Magdadala raw ng suwerte.’’
“Totoo po kaya yun, Itay?’’
“Siguro. Ako kasi, hindi pa nakakapulot ng pala sa buong buhay ko.’’
“Sana suwertehin ako, Itay. Gusto ko kayong tulungan ni Inay para makaahon tayo sa hirap.’’
“Salamat Juanito. Sana nga may dalang suwerte ang palang ito. Ito sana ang magdulot sa atin ng magandang kabuhayan.”
Maya-maya may narinig silang tumawag sa labas.
“Mang Fred! Mang Fred!’’
“May tumatawag sa iyo, Itay!’’
Tiningnan nila kung sino ang tumatawag.
(Itutuloy)
- Latest