Ang dahoon ng saging
DALAWANG lalaki ang kanina pa naglalakad sa ilalim ng araw. May natanaw silang isang puno ng saging na may mahahaba at malalapad na dahon. Doon sila sumilong para magpahinga sandali. Habang nakasilong ay tumingala ang lalaki. “Ano ba namang puno ito? Walang bunga. Ang katawan ay hindi mo man lang mapapakinabangan para gawing bahay !”
“Oo nga. Dapat dito ay patayin at palitan ng ibang klaseng puno!”
Hindi nakatiis ang espiritu na namamahay sa puno ng saging at sinagot ang panlalait ng dalawang lalaki.“E, kanino bang dahon ang nagbibigay sa inyo ngayon ng lilim at pumoprotekta sa inyo sa sikat ng araw? Di ba dahon ng saging? Tapos sasabihn ninyong wala akong kuwenta!”
Luminga-linga ang dalawang lalaki upang hanapin kung sino ang nagsasalita. Muling nagsalita ang espiritu ng puno, “Mga tanga, ang puno na pinipintasan ninyo ang nagsasalita!” Sa sobrang takot ay kumaripas nang takbo ang dalawa.
Kagaya sa tunay na buhay, may mga taong walang kuwentang tulungan, kagaya ng dalawang lalaki na sumilong sa lilim ng dahon ng saging. Naliitan ang isang tiyahin sa bigay na pera ng kanyang pamangkin kaya ipinagkakalat nito sa ibang kamag-anak na maramot ang pamangking nagbigay sa kanya ng pera. Ang hindi alam ng tiyahin, ang perang ibinigay sa kanya ay binawas lang sa budget na pambili ng pagkain sa araw-araw ng mag-anak. Ang akala ng tiyahin ay mapera ang pamangkin. Hindi nito alam, maganda lang magdala ng “kahirapan” ang kanyang pamangkin kaya hindi halatang “hampaslupa”.
- Latest