‘Plantsa’
ITO ay karanasan ng aking Lola Miguela na ikinuwento niya kay Mama at ikinuwento naman ni Mama sa akin. Ikukuwento ko rin ito sa magiging anak ko sa hinaharap.
Nangyari ito sa probinsiya noong 1942, panahon ng pananakop ng mga Hapones. Si Lola Miguela noon ay 19-anyos at napakaganda. Nag-iisa siyang anak na babae at bunso pa. Apat ang kanyang mga kapatid na lalaki. Nasa isang baryo sila nakatira.
Isang araw daw ay nag-sona ang mga sundalong Hapones sa kanilang baryo. Hinahanap ang mga lalaki. Lahat nang lalaki ay pinalalabas at dinadala sa plasa. Alam na ng ama ni Lola Miguela ang mangyayari kaya ang apat niyang anak na lalaki ay pinaaakyat na niya ng bundok para magtago.
Ang tanging naiwan sa bahay ay ang aking Lola Miguela, kanyang nanay at tatay. Matanda na raw ang kanyang tatay kaya hindi na ito paghihinalaan na kasali sa gerilya.
Nagkataong namamalantsa si Lola Miguela nang dumating ang isang trak ng mga Hapones. Lahat nang bahay ay inakyat ng mga Hapones. Ang mga naabutang lalaki ay dinakip.
Nang umakyat sa kanilang bahay ang isang sundalo, tinanong kay Lola Miguela kung nasaan ang mga lalaki. Wala, sabi ni Lola. Pero hindi naniwala ang sundalo at pinasok ang kuwarto. Nakita raw ang tatay niya at hinila palabas. Dahil matanda na, hindi ito makalaban. Awang-awa raw si Lola sa ama.
Nanaig kay Lola Miguela ang tapang. Dinampot niya ang mainit na plantsa at idinikit sa mukha ng sundalo. Pati mata, nadikitan ng mainit na plantsa. Hindi malaman ng sundalo ang gagawin. Nagtatakbo palabas at nahulog sa hagdan.
Sinamantala nina Lola ang pagkakataon at tumakas. Nakaligtas sila.
Isang karanasan na hindi malilimutan at nagpakita sa tapang ng aking Lola Miguela gamit ang plantsa.
- Latest