Maid of Honor (120)
“Nabiktima ako ng sindikato, Itay,’’ pagkukuwento ni Inah kay Itay Nado. “Matapos akong ma-recruit dito at dalhin sa Maynila, sa isang bigtime sex syndicate ako bumagsak. Ang mga customer ay pawang Chinese. Nagkukunwaring POGO subalit front lamang iyon. Ang mga kababaihan ay mga menor-de-edad at binibenta sa mga Chinese. Kapag nagtangkang tumakas ang babae, pinahihirapan. Inilalagay sa isang madilim at maruming kuwarto. Hanggang sa pati ang paggamit ng droga ay itinuro. Kailangan daw magdroga para walang takot sa pagpi-perform.
“Hanggang sa sumunod na lang ako nang sumunod para hindi mapahamak. Naisip ko, kung susuway ako baka pahirapan at patayin. Ilang kasamahan kong babae ang pinatay ng Chinese na leader. Malupit siya. Walang awa sa babae.
“Hanggang sa matipuhan niya ako at naging maluwag sa akin. Pinagkakatiwala pati pagtatago sa pera ng sindikato. Sa katunayan, ako ang nagtago ng black bag na may pera. Ito yung bag na kinuha namin nina Kuya Honor at Kuya Rocky pero may nangyari. Hindi na natagpuan si Kuya Rocky—sabi namatay na raw.
“Ang pagtungo namin dito ni Kuya Honor ay may kaugnayan sa pera. Dito muna ako magtatago.’’
Nag-aalala ang boses ni Itay Nado sa pinagtapat ni Inah.
“Samakatuwid, nagtatago ka dahil puwede kang sundan ng sindikato?’’
“Opo Itay. At saka dahil din sa pera.’’
“Sabagay, hindi ka naman siguro masusundan dito.’’
“Natatakot ako Itay. Baka madamay kayo ni Inay dahil sa akin.’’
(Itutuloy)
- Latest