May ‘voluntary retrenchment’ ba?
Dear Attorney,
May “voluntary retrenchment” po ba sa batas? Pinapipirma po kasi ng “Affidavit of Voluntary Retrenchment” kaming mga balak i-retrench ng aming kompanya. Kailangan po ba talaga kaming pumirma? —Leo
Dear Leo,
Kung totoong retrenchment ang balak gawin ng inyong kompanya ay hindi na kailangang kayo ay papirmahin pa ng sinasabi mong “Affidavit of Voluntary Retrenchment” lalo na’t hindi naman boluntaryo ang pag-alis n’yo sa kompanya.
Kung pipirmahan n’yo kasi ang sinasabi mong affidavit ay lumalabas na resignation o kusang pagbibitiw sa trabaho ang ginawa n’yo. Baka gamitin pa ‘yang pruweba ng inyong employer laban sa inyo kung sakaling hindi kayo mabayaran ng separation pay na dapat niyong matanggap kung kayo ay kasama sa retrenchment.
Kung talagang retrenchment ang dahilan ng pagtanggal sa inyo ay kailangang nakatanggap kayo ng notice tatlumpung (30) araw bago ang nakatakdang huling araw n’yo sa trabaho. Kailangan din ay sabay na nabigyan ng notice ukol dito ang opisina ng DOLE sa inyong lugar.
Iyan dapat ang inaatupag ng inyong employer sa halip na pagpapapirma ng kung ano pa mang dokumento na nagsasaad na boluntaryo ang pag-alis n’yo sa trabaho.
- Latest