^

Punto Mo

EDITORYAL - Sa taumbayan may utang si Marcoleta

Pang-masa

May karapatan si Sen. Rodante Marcoleta na ipagtanggol ang sarili sa korte. May karapatan din ang kanyang mga tagasuporta na magpahayag ng saloobin at mag-rally nang mapayapa. Sa isang demokrasya, hindi dapat ipinagbabawal ang opinyon, protesta, o suporta sa isang akusado. Pero may isang bagay na hindi dapat malimutan: ang kaso ng isang public official ay hindi dapat timbangin sa rami ng taong nasa lansangan, sa lakas ng koneksyon, o sa impluwensiya ng grupong sumusuporta sa kanya. Dapat itong timbangin sa batas at ebidensiya.

Naghain ang Ombudsman ng plunder case laban kay Marcoleta kaugnay ng P75 milyong campaign donation na hindi umano naideklara sa kanyang mga opisyal na dokumento. Kasama rin sa kaso ang alegasyong paglabag sa batas laban sa pagtanggap ng regalo ng mga opisyal ng gobyerno. Ayon kay Marcoleta, wala siyang ginawang mali dahil pribadong pera raw ito at natanggap bago ang campaign period. Sa huli, korte ang magpapasya kung may sala siya o wala.

Ngunit habang hinihintay ang proseso, may mas malaking tanong na dapat pag-usapan: gaano kalinis ang pulitika kung ang isang public official ay maa­aring tumanggap nang napakalaking halaga mula sa iilang tao at pagkatapos ay sabihing ito ay tulong lamang ng mga kaibigan? Sa pribadong buhay, ang utang na loob ay maaaring tanda ng pasasalamat. Normal na magpasalamat sa tumulong. Ngunit sa public office, delikado ang utang na loob lalo na kung milyong piso ang pinag-uusapan. Ang isang senador o sinumang opisyal ay hindi ordinaryong pribadong tao. May kapangyarihan siyang gumawa ng batas, mag-impluwensiya ng polisiya, at magdesisyon na nakaaapekto sa taumbayan.

Kaya kapag may malaking donor, natural lang na magtanong ang publiko: ano ang kapalit? May hinihintay bang pabor? May aasahang proteksiyon? May impluwensiya ba ang pera sa magiging paninindigan ng opisyal?

Hindi sapat na sabihing “kaibigan ko sila” o “tulong lang iyon.” Sa public office, ang transparency ay hindi optional. Dapat malinaw kung saan galing ang pera, saan napunta, at bakit hindi ito naideklara kung kinakailangan.

Ang tunay na hustisya ay hindi selective. Dapat papanagutin ang lahat ng may kaso—kaalyado man o kritiko, sikat man o hindi, malakas man ang suporta o wala. Pero hindi rin tama na pigilan ang isang kaso dahil lamang maraming nagagalit at sumusuporta. Sa dulo, ang isyu rito ay hindi lamang si Marcoleta. Ang isyu ay ang klase ng pulitika na paulit-ulit na hinahayaan ng mga Pilipino: pulitika ng malalaking donasyon, personal na utang na loob, at paniniwalang sapat na ang impluwensiya para malusutan ang pananagutan. Ang public office ay hindi personal na negosyo. Hindi ito utang sa donor, sa kaibigan, o sa makapangyarihang grupo. Utang ito ni Marcoleta sa taumbayan na nagluklok sa kanya sa puwesto.

RODANTE MARCOLETA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with