EDITORYAL - Nananatili pa rin ang corruption sa Pilipinas
Walang pagbabago at patuloy na namamayani ang corruption sa Pilipinas. Sa latest Corruption Perception Index (CPI) ng Berlin-based organization Transparency International, nasa No. 115 ang Pilipinas out of 180 bansa. Ang mga bansa ay iniiskoran base sa level ng public sector corruption, kung saan ang “0” ang “pinaka-corrupt” at “100” ang “pinakamalinis”. Ang Pilipinas ay may iskor na 34 out of 100. Noong 2022, ang iskor ng Pilipinas ay 33. Ang Denmark ang pinakamalinis, na sinundan ng Finland, New Zealand, Norway at Singapore. Pinaka-corrupt naman ang Somalia, Venezuela, Syria, South Sudan, at Yemen. Ang data sources ay kinulekta ng mga mapagkakatiwalaang institusyon kabilang ang World Bank at World Economic Forum.
Baba-taas ang ranggo ng Pilipinas sa Corruption Index. Kahit bali-baliktarin, corruption pa rin ang pinag-uusapan dito at malayo pa ang Pilipinas para makaabot sa mas mataas na ranggo. Hindi nakakatuwang pag-usapan ang ukol sa corruption.
Bagama’t nasa ika-115 na puwesto, napanatili naman ng Pilipinas ang mababang score nito sa 34 out of 100. Noong 2018 nasa ika-99 na puwesto ang Pilipinas; 2019 ay ika-113; 2020 ay ika-115; at 2021, ika-117.
Masyadong malayo pa ang tatahakin ng bansa bago maabot ang mataas na antas na walang bahid ng corruption. Sa kasalukuyan, maraming tanggapan ng pamahalaan ang batbat ng katiwalian. Maraming nagpapasasa sa pera ng taumbayan. Maraming “buwaya” na walang kabusugan.
Kamakailan lang, apat na abogado ng Bureau of Immigration ang sinibak sa puwesto dahil sa pag-iisyu ng working visas sa mga dayuhan na bogus naman ang mga kompanya. Malaking pera ang kapalit sa pag-iisyu ng visas.
Patuloy din naman ang korapsiyon sa Bureau of Customs kung saan walang patlang ang pasok ng smuggled products kabilang ang bigas, sibuyas at iba pang produktong agrikultura.
Sa Abril ay bayaran na naman ng buwis, tiyak marami na namang opisyal at kawani ng BIR ang mamamantikaan ang nguso dahil sa gagawing pag-hokus-pokus sa income tax at iba pang bayarin.
Sa LTO, patuloy din naman ang mga katiwalian na tila hindi na maputul-putol. Sa kasalukuyan, lisensiyang papel ang iniisyu ng LTO sa mamamayan dahil sa kakapusan ng plastic. At ang PNP, talamak pa rin ang mga pulis na nangongotong at may mga nagre-recycle pa ng droga para kumamal ng pera. Sa kabila na itinaas na ang suweldo at benepisyo ng mga pulis, patuloy pa rin sa kanilang kabuktutan.
- Latest