Seguridad sa online banking higpitan pa!
Kaluwagan lang naman ang naibibigay ng tinatawag na online banking. Makakapagtransaksyon ka sa banko kahit kailan at kahit nasaan ka sa tulong ng computer, smartphone at ibang gadget na merong internet connection.
Makakapagbukas ka ng account; masisilip mo ang katayuan ng pera mo sa banko; makakapagdeposito o makakakuha ng pera; mabibili mo ang mga kailangan mo; makakabayad ka ng utang o mga bills sa kuryente, tubig, telepono, credit card, at iba pa; mabilis kang makakapagpadala o makakatanggap ng pera kahit kanino at kahit saan; madali mong matatanggap dito ang iyong suweldo o kinikita sa negosyo; at iba pang kapakinabangan.
Gayunman, dahil dumadaan sa internet ang online banking, nanganganib din ito sa mga scamming, hacking, phising, fraud, at iba pang panlolokong naghahangad na nakawan ng pera ang mga tao. Isa ito sa mga dahilan kaya nagpapatupad ng kaukulang mga seguridad ang mga banko para maging ligtas ang pera ng kanilang mga kliyente. Kabilang dito ang mga password na dapat malakas, matibay, mahirap hulaan at hindi basta-basta ibinabahagi kanino man. Pinag-iingat din ang mga bank account holder laban sa mga kahina-hinalang email, text at mga “link”.
May mga pagkakataon lang na may mga nakakalusot na panloloko. May mga account holder na nananakawan pa rin ng pera sa kabila ng mga ipinapatupad na seguridad. Isa ngang biktima kamakailan ang nagsabi na na-“hacked” ang kanyang bank account at ninakaw ng kriminal ang kanyang pera sa pamamagitan ng isang pay App kahit wala siyang ganitong program sa kanyang gadget. Hindi siya nagbubukas ng anumang link at hindi niya ibinibigay kahit kanino ang kanyang OTP (One Time Password) at kanyang mga credential.
Ibig anyang sabihin, hindi na kailangan ng hacker ang OTP para magnakaw sa banko. Ang sabi sa kanya ng banko, ang mga kriminal ay lumilikha rin ng mga email, SMS at pekeng website para linlangin ang kustomer. Kaso, hindi na maibalik ng naturang banko ang kanyang pera dahil isinagawa ang transaksyon gamit ang lehitimong online banking User ID at password. Naiwan sa ere ang kustomer.
Hindi ako pamilyar sa detalye sa kaso ng naturang kustomer kaya hindi ko alam saan ang diperensiya. Dapat siguro dagdagan pa o ibayo pang palakasin ng mga banko ang seguridad sa kanilang mga website at online transaction at proteksiyon at alternatibo para sa mga depositor na nabibiktima ng scam.
Mabuti pa noong panahong hindi pa uso ang online banking. Mas ligtas pa ang pumunta sa banko at pumila kahit matagal gamit ang passbook bagaman hindi naman lahat ng oras ay mahahaba ang pila. Walang problema sa mga scammer, phising, o hacker. Kapag nawala ang passbook, kailangan lang magpakita ng valid ID at ibang kailangang papeles para naisyuhan ng bago. Bihira ang mga passbook na nananakaw dahil mahihirapan itong gamitin ng mga nakanakaw. Tahimik ang buhay ng mga depositor nang panahong iyon.
Kunsabagay, kahit naman ngayon, may mga banko na nagbibigay naman ng parehong passbook at ATM sa kanilang mga kliyente. Kaso, may mga klase ng account na ATM card lang o kaya passbook ang ibinibigay sa depositor. Bakit kaya hindi na lang bigyan ng passbook ang lahat ng klase ng bank account para merong ibang mapapamilian ang mga depositor kung nais nilang isara ang kanilang online account? Alternatibo lang naman ang online banking para sa kaginhawahan ng mga bank depositor.
Mapagdedesisyunan nila kung pupunta na lang sila sa banko o makikipagtransaksyon sa website nito. Bahagi na ng pagsulong ng lipunan ang online banking na tila hindi na maaawat pero dapat marahil patindihin pa ang seguridad nito dahil laging nakahahanap ng butas ang mga cybercriminal.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest