Mayang (42)
TAMA ang hinala ni Jeff na may masamang balak si Puri. Kailangan niyang ipagpatuloy ang pagtutulug-tulugan. Gusto niyang mapakinggan pa ang pag-uusapan ni Puri at ng lalaki sa kabilang linya na ang pangalan ay “Henry”. Malaki ang hinala ni Jeff na modus ng dalawa na nakawan ang makikilalang lalaki. At nabuo sa hinala ni Jeff na kaya siya sadyang pinapunta rito ni Puri ay para biktimahin. Pero bakit siya pa ang napili ni Puri? Hindi na ba niya naisip na kaibigan niya si Mayang? Ang pagkakaalam niya ay matalik na magkaibigan sina Mayang at Puri. O nasira na ang kanilang pagkakaibigan nila ni Mayang?
Naisip ni Jeff na kailangang paghusayan niya ang pag-arte na natutulog. Baka makahalata si Puri at masira ang gagawin niyang pakikinig dito.
Maya-maya narinig niyang may idinidikta pa ang kausap ni Puri. Malinaw na malinaw na nasasagap ni Jeff ang sinasabi nito.
“Pakinggan mo akong mabuti Puri. Kailangang makuha mo ang ATM at PIN number ng bibiktimahin mo. Kaya mas maganda kung lalasingin mo pa nang todo yan. Lagyan mo kaya ng pampatulog ang iniinom na alak para masiguro mong tulog na talaga yan.’’
“Hindi na kailangan Henry. Tulog na tulog ang kumag. Marami kasing nainom. Nilulunod ang sarili dahil sinabi ko na mayroon nang lalaki ang nobya niyang si Mayang—sinabi ko rin na may anak na.’’
“Totoo bang may asawa at anak na?’’
“Sinabi ko lang yun para sa akin mabaling ang atensiyon. Pinagagalit ko para madaling malansi at makuha ang pera. Hindi ko naman alam kung nasaan na si Mayang. Matagal na kaming di nagkita—baka seven years na. Malas lang ni Jeff dahil nagpunta siya rito sa bahay. Akala kasi niya, magkaibigan pa kami ni Maria o Mayang. Wala siyang kaalam-alam na iba na ang raket ko—at kabilang siya aking bibiktimahin.’’
“Ang talino mo talaga Puri. Pero huwag ka ring pakasisiguro—baka mabulilyaso tayo. Madaliin mo ang pagkuha sa ATM niya. Di ba sabi mo nagtrabaho nang matagal sa New Zealand yan—e tiyak maraming pera yan!’’
“Yun nga ang gagawin ko ngayon. Hahalungkatin ko ang pitaka niya. Tiyak naroon ang ATM.”
“Sige tatawag uli ako sa’yo after one hour.’’
“Hahalungkatin ko na ang pitaka habang tulog na tulog ang kumag.’’
“Okey.’’
Nagpatuloy si Jeff sa pagkukunwaring tulog. Kahit naman kunin ni Puri ang pitaka niya, wala siyang makikitang ATM dun. Hindi niya dinadala ang ATM. Nakatago iyon sa condo niya. Hindi rin siya nagdadala nang maraming pera sa pitaka.
Lumapit na si Puri kay Jeff. Sinalat nito ang bulsa na kinaroroonan ng pitaka. (Itutuloy)
- Latest