Ang pinakaunang manunulat na naging bilyonaryo
KASABIHAN na, lalo na rito sa Pilipinas, walang yumayaman sa pagsusulat ng mga kuwento. Pero pinabulaanan ‘yan ni J.K. Rowling dahil siya ay naging bilyonaryo sa pagsusulat ng Harry Potter.
Maykaya naman ang kanyang pamilya dahil ang kanyang ama ay engineer ng pagawaan ng kotseng Rolls-Royce. Nag-aral siya sa magandang eskuwelahan sa England at nagtapos ng French language at Classic Literature.
Nagsimula ang problema niya nang magkasakit ng malubha ang kanyang ina. Malapit siya sa kanyang ina. Hindi niya kasundo ang kanyang ama at lagi silang nag-aaway. Kaya nang pumanaw ang kanyang ina ay nilisan niya ang England at nagtrabaho sa Portugal.
Doon niya nakilala ang ama ng kanyang panganay na babae na isang journalist. Pero nakipagdiborsiyo siya dito nang magsimula na siyang makaranas ng pisikal na pananakit. Ang lalaki ring ito ang naging dahilan para siya makaranas ng depresyon at pagtatangkang magpakamatay.
Nagpasya siyang bumalik sa England at nakitira sa kanyang kapatid. Ayaw niyang tumira sa kanilang bahay dahil hindi sila nagpapansinan na mag-ama.
Nabuhay silang mag-ina mula sa ayuda ng gobyerno. Ibinaling niya ang atensiyon sa pagsusulat ng Harry Potter kaya nagkaroon ng improvement ang kanyang mental health.
Nang matapos ang sinusulat niyang Harry Potter, nakaranas ito ng hindi mabilang na rejections mula sa mga publishers ng libro ngunit isang araw, nginitian si J.K. Rowling ng pag-asa. Isang publishing company ang tumanggap sa kanyang nobela. Nang tumagal ang pitong Harry Potter books ay naging number one sa New York Times’ Bestseller List ng ilang taon.
Nagkaroon ulit siya ng ikalawang asawa kung saan dalawa ang naging anak niya rito. Sa Scotland na sila naninirahan. Ang nangyari sa buhay ni JK Rowling ang makakapagpatunay na walang imposible sa taong mahusay, matiyaga at may pananalig sa sariling kakayahan.
- Latest