May bisa ba ang deed of sale ng lupa kung hindi notaryado?
Dear Attorney,
Kapag hindi po ba naipanotaryo ang deed of sale ng lupa ay wala ng bisa ang naging bentahan? —Leny
Dear Leny,
Nakasaad sa Article 1358 ng Civil Code na kailangang nasa isang public na dokumento ang kasunduan ukol sa bentahan ng real property. Upang maging public document ang isang deed of sale ng lupa ay sa pamamagitan ng pagpapanotaryo nito.
Ngunit sa kabila ng probisyong ito na nagsasaad na kailangang notaryado ang mga kasulatang ukol sa bentahan ng lupa, tahimik naman ang batas sa epekto ng hindi pagpapanotaryo.
Bagama’t hindi alinsunod sa Article 1358 ng Civil Code ang hindi pagpapanotaryo ng bentahan ng lupa, hindi naman makakaapekto ang kakulangang ito sa bisa ng kontrata, ayon sa ilang kasong nadesisyunan ng Korte Suprema. May bisa rin ito at kailangang tuparin pa rin ng mga pumirma sa dokumento ang kanilang mga napagkasunduan.
Ang requirement na kailangang notarized ang dokumento ay para lamang sa convenience ng lahat at wala itong kinalaman o epekto sa bisa ng naging kasunduan [James Estreller, et al. v. Luis Miguel Ysmael, et al., G.R. No. 170264, March 13, 2009; Tigno v. Aquino, 486 Phil. 254, 268 (2004)].
Ngunit hindi man apektado ang bisa ng deed of sale kung hindi ito notaryado ay kakailanganin pa rin na ipanotaryo ito dahil sa isang praktikal na dahilan: hindi kasi maipaparehistro sa pangalan ng bumili ang titulo ng lupa sa Registry of Deeds kung ang Deed of Sale ay hindi notaryado. Ito ay alinsunod sa Section 112 ng P.D. 1529 o Property Registration Decree.
- Latest