Ang magnanakaw
MALAKAS ang palahaw ni Lelang Doray na may kasamang impit na pag-iyak. Nagulat ang mga kapitbahay kaya nagsuguran sila sa bahay nito. Isa si Binoy sa napasugod. Ang huling hugot ng hininga ni Lelong Carding ang dahilan ng pagpalahaw ni Lelang Doray. Isang taon din inalagaan si Lelong bago ito pumanaw. May kanser ito sa baga.
Habang hinihintay ang pagdating ng punerarya ay tulong-tulong ang mga kamag-anak at malalapit na kapitbahay sa paglilinis ng katawan ng bangkay at pagbibihis dito. Kadalasan ay marami ang nagpiprisintang tumulong dahil nakakatanggal daw ito ng pagka-duwag sa multo. Nakitulong na rin si Binoy. Isa siya sa mga tigasin at basagulerong kabataan sa kanilang barangay pero may itinatagong sikreto—duwag siya sa dilim at multo. Habang inaayos niya ang pantalon ng bangkay ay nakita niyang may inipit si Doray sa dalawang kamay ng bangkay—ilang pirasong 1000 peso bill ang inipit sa dalawang kamay. Upang makaseguro na nakadikit ang pera sa kamay, nilagyan ito ng tape.
“Inay, ilang libo ang inilagay mo?” tanong ni Tere, ang panganay ni Doray.
“Tig-limang libo sa bawat kamay.”
Bago isilid sa kabaong ay may ilang antique coins na isinubo si Doray sa bibig ng asawa. Pamahiin daw iyon ng angkan nila upang hindi maghirap kailan man ang mga naulila. May isang matandang kapitbahay na hindi nakatiis magtanong.
“Mareng Doray, bakit naman sobrang laki ng inipit mo, bale sampung libo lahat. Ipapakain mo lang iyon sa uod.”
“Mas malaki ang pabaon kay Carding sa kabilang buhay, mas malaki ang balik nito sa amin.”
Isang araw ay nagulat ang mga kapitbahay nang makita nila si Binoy na naglalakad nang wala sa sarili habang ang mga kamay nito ay duguan. Walang makapagsabi kung ano ang nangyari dito dahil hindi na ito makausap nang matino. May ibinubulong si Binoy sa sarili ngunit hindi maintindihan. Habang tumatagal ang araw ay lumalala ang kalagayan ni Binoy. Nalagas isa-isa ang ngipin nito at laging nagdurugo ang gums. Isang araw ay nakita na lang ito ng kanyang pamilya na nagbubungkal ng lupa sa likod bahay nila gamit ang kamay. Sa sobrang pressure, nabale ang isang hintuturo at hinliliit. Ang isang napansin ng mga kamag-anak, parang may kinatatakutan ito habang nagbubungkal ng lupa. Hindi nagtagal, binawian ng buhay si Binoy.
Nakarating kay Lelang Doray ang pagkamatay ni Binoy. Napangiti ito, sabay sabing “Kinarma lang siya.” Lingid sa kaalaman ng marami, dalawang araw pagkalibing kay Lelong Carding, malungkot na ibinalita ng sepulturero na may sumalbahe sa libingan nito. Tinungkab ang nitso at ninakaw ang pera sa dalawang kamay at antique coin sa bibig. Ang gold ring na suot ay kinuha rin. Marahil ay hindi ito mahugot kaya pinutol na lang ang daliri. Ang bibig ay hiniwaan upang madukot ang antique coins.
Binilinan ni Doray ang sepulturero na huwag nang ipagsabi ang nangyari dahil ayaw na niya ng gulo. Tahimik na inayos ang bangkay at libingan nito na parang walang nangyari. Kampante lang si Doray. Alam niya, hindi magtatagal at mapaparusahan ang maysala. May lihim silang karunungan na mag-asawa. Dati silang mangkukulam ngunit nagbagong buhay. Pero muli nilang ginagamit ang kaalaman kung sobra na ang pambababoy sa kanila.
- Latest