Laboratory test, saan dapat?
KAPANSIN-PANSIN sa kasalukuyan ang dumaraming bilang ng mga pribadong independiyenteng diagnostic laboratory clinic. Sila yung mga laboratoryo na hindi sakop ng anumang ospital, malalaking medical center o ibang mga institusyong medikal. Nakakapagbigay sila ng mga serbisyong ginagawa rin sa mga laboratoryo ng mga ospital tulad ng mga blood test, urine test, stool test, electrocardiogram (ECG), ultrasound, x-ray, CT-scan, dialysis at iba pa.
Nagsasagawa rin sila ng mga testing sa COVID-19. Kabilang sa marami nilang mga kliyente iyong mga nag-aaplay ng trabaho dito sa Pilipinas o sa ibang bansa na hinihingan ng medical record sa kanilang aplikasyon. Dinadayo rin sila ng mga empleyadong kailangan ng taunang check-up.
Nagsasagawa rin sila ng mga drug test. May mga laboratoryo rin na may mga sariling doktor na handang tumingin sa mga pasyenteng kailangang magpakunsulta agad bago o pagkatapos ng laboratory test.
Gayunman, malaki pa rin ang kaibahan sa mga laboratoryo ng mga ospital dahil mas malawak at komprehensibo ang mga serbisyo at kagamitan at pasilidad nito kaya mas malaki pa rin ang bentahe ng mga ito kumpara sa mga nagsosolong laboratoryo.
Walang malinaw na dahilan kung bakit at paano nagsulputan ang naturang mga independiyenteng laboratoryo. Puwedeng masabing isa rin kasi itong negosyo pero, kahit ganito, meron din siyang bentahe lalo na kung nasa lugar ito na madaling puntahan ng pasyente. Kailangan din namang tiyakin ng pasyente na lehitimo, lisensiyado, rehistrado at merong kredibilidad ang laboratoryong pinapasukan niya.
Gayunman, marami rin namang tumatangkilik sa mga solong laboratoryong ito dahil tumatagal ang kanilang operasyon. Ilan din sa mga tumatangkilik dito iyong pasyente ng mga doktor na ang klinika ay nagsosolo o nasa labas o hindi sakop ng anumang ospital at walang sariling laboratoryo.
Isa pa namang nakasanayan ng mga pasyenteng nagpapatingin sa klinika ng mga doktor sa mga ospital ang magpa-laboratory test sa mismong laboratoryo rin ng mga ospital na ito. Kumbenyente ito dahil hindi na sila kailangang lumayo at hindi pa malaking abala.
Pero, maaari rin namang tanungin ng pasyente sa duktor kung puwede siyang magpa-laboratory test sa labas ng ospital partikular sa isang independiyenteng laboratoryo pero depende marahil sa doktor kung papayag ito o hindi. At maaaring depende ito sa kalagayan ng pasyente na mangangailangan ng mas komprehensibong mga tests na posibleng wala sa mga nagsosolong laboratoryo at ito ang maaasahang unang ikukonsidera ng doktor.
Wala namang ospital na nag-oobliga sa kanilang mga pasyente na magpa-test sa sarili nilang laboratoryo pero isa itong usapin na marahil ay kailangang malinawan.
Puwedeng isiping iba naman ang “market” ng mga independiyenteng laboratoryong ito. Tinutugunan nila ang pangangailangan ng mga pasyenteng hindi na magawang makapunta sa laboratoryo ng isang ospital. Maiisip din na, kung duda sa resulta ng test sa isang nagsosolong laboratoryo, wala namang pipigil sa isang pasyente na magpa-test sa laboratoryo ng isang ospital.
Ilang dekada na ang operasyon ng mga independiyenteng laboratoryong ito. Tiyak namang may dahilan o katwiran ang mga kinauukulang awtoridad sa pagpapahintulot sa pagtatayo ng mga nagsosolong laboratoryo. At tiyak din namang malaki rin ang tulong ng mga ito sa mga pasyente.
• • • • • •
Email: rmb2012x@gmail.com
- Latest